Biyernes, Mayo 31, 2019

Naglipanang upos


NAGLIPANANG UPOS
(Tula para sa World No Tobacco Day tuwing Mayo 31)

di ako nagyoyosi, ang ginagawa kong lubos
ay ang tipunin sa bote ang nagkalat na upos
ito ang sa kapaligiran ay ambag kong taos
bakasakali lang kahit upos ay di maubos.

ginagawa kong ash tray ang pangsardinas na lata
sa paligid nito'y nilalagyan ng karatula
"Dito ilagay ang upos, kaibigan, kasama"
at ibinabahagi sa pabrika't opisina.

naglipana ang upos sa kalsada't karagatan
talagang nakakaupos ang nangyayaring iyan
mga wawa ng ilog ay tila nabubusalan
naglulutangan ang upos sa mga katubigan.

mga isinaboteng upos sa lupa'y ibaon
tulad ng hollow blocks ay patigasin ito ngayon
gawin kaya natin itong proyekto sa konstruksyon?
baka may paggamitan ang upos kapag naglaon.

ngayong World No Tobacco Day, anong masasabi mo?
nagkalat ang upos sa ating paligid, katoto
may maitutulong ka ba't maipapayo rito?
upang malutas ang mga upos na dumelubyo?

- gregbituinjr.,05/31/2019

Ano baga?

ANO BAGA?
(Tula para sa World No Tobacco Day tuwing Mayo 31)

nosi ba lasi para magyosi't bugahan tayo
ng usok gayong di naman tayo nananabako
sa dyip, naaamoy mo ang yosi ng katabi mo
aba'y pasensya na't natapatan ka ng tambutso!

yosi ng yosi, hitit ng hitit, buga ng buga
nakakaalarma, kalusugan mo'y paano na?
di ka nga humihitit, nalalanghap mo'y sa iba
walang bisyo ngunit second-hand smoker ka pala

paano mo ba pagsasabihan ang mga sutil?
pananabako nila'y paano ba matitigil?
polusyon sa katawan mo'y sino kayang pipigil?
paano iiwas na unti-unti kang makitil?

ngayong World No Tobacco Day, ating alalahanin
huwag pabayaan ang baga't kalusugan natin!

- gregbituinjr.,05/31/2019

Huwebes, Mayo 30, 2019

Walang matuluyan, mawalang tuluyan

WALANG MATULUYAN, MAWALANG TULUYAN
(tula sa International Week of the Disappeared)

mas mabuti pang ako'y walang matuluyan
kaysa naman tulad ko'y mawalang tuluyan
kung walang matuluyan, mag-ingat sa daan
mahirap nang mawala't madukot ng halang

Daigdigang Linggo ng Desaparesido
ay ating gunitain ngayong linggong ito
nawa mahal nila'y matagpuang totoo
at kanilang kamtin ang hustisya sa mundo

sa huling linggo ng Mayo ginugunita
itong linggo ng sapilitang pagkawala
paghanap sa kanila'y walang patumangga
ang sakit na nadarama'y tila ba sumpa

nawa'y matapos na ang pasakit at dusa
pagkat mahal sa buhay ay natagpuan na

- gregbituinjr./05/30/2019

Miyerkules, Mayo 29, 2019

Pagbati sa pagsapit ng kalahating siglo

PAGBATI SA PAGSAPIT SA KALAHATING SIGLO

Ang pagbati ko'y maligayang kalahating siglo
Sa pagdiriwang ng ikalimampung taon ninyo
Sa mga ka-henerasyon ko, at naging klasmeyt ko
Mabuhay kayo! Mabuhay ang kalahating siglo!

Dahil sumapit na tayo sa edad na singkwenta
Ay maaaring biruing, "Ang tanda mo na pala!"
Di ba't anong gandang ipagdiwang ang edad medya
Na edad na ito'y sinapit nating malakas pa!

Aba'y parang kailan lang, kaybilis ng panahon
Nag-aaral tayo't kaeskwela lang kita noon
Kayraming karanasa't pinagdaanang kahapon
At may mga anak at mga apo na rin ngayon.

Dapat na bang mag-Planax upang tuhod ay tumibay?
Kumusta na ba ang inyong pamilya't pamumuhay?
Hiling ko nawa'y lagi kayong pinagpalang tunay!
Di nagkakasakit, matatag, may lakas pang taglay!

Pag ang kalahating siglo mo'y iyo nang sinapit
Damhin mo ang nagdaang buhay na napakarikit
Damhin din ang pinagdaanan mong dusa't pasakit
Anong aral ang maibabahagi mo't nakamit?

Pag sumapit ka na sa iyong kalahati siglo
Isa ka nang alamat, mga ka-henerasyon ko
Mula sa karanasan, dunong mo'y nag-iibayo
Ngayong singkwenta na tayo, isang tagay sa inyo!

Sa pagsapit ng edad medya, ako'y nagpupugay
Sa kababata't kaibigan, at klasmeyt kong tunay
Maraming salamat sa inyo! Mabuhay! Mabuhay!
Pagkat bahagi kayo ng karanasan ko't buhay!

- gregbituinjr.

Linggo, Mayo 26, 2019

Pagkabulag

PAGKABULAG

nabubulag ba tayo sa sariling pagkabulag
o nananatili tayong nagbubulag-bulagan
o mas pinili nating maging bulag kaysa banlag
o ang nangyari'y naging bulag sa buhay na hungkag

bakit nagbubulag-bulagan sa ating paligid
di ba't ang ating kapwa-tao'y atin ding kapatid
ibon, isda, hayop, puno, halaman ay di lingid
na kasama sa daigdig, may pag-ibig ding hatid

anang isang awit: "Masdan mo ang kapaligiran"
kung may mata ka, ang ganda ng paligid ay masdan
pakasuriin mo ang lipunang kinalalagyan:
bakit dukha'y milyun-milyon, mayaman ay iilan?

tayo'y walang giya sa mata tulad ng kabayo
na nilalandas lang kung anong mando ng kutsero
alin ba sa titig ng banal o sulyap ng tukso
ang pipiliin kung kaharap mo'y santo't agogo?

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 22, 2019

Sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, Mayo 22, 2019

SA PANDAIGDIGANG ARAW NG SARIBUHAY 
(INTERNATIONAL BIODIVERSITY DAY), MAYO 22, 2019

di ko alam, ngunit dapat ding pag-isipang tunay
marahil kalikasan ay marunong ding malumbay
at ngayong Pandaigdigang Araw ng Saribuhay
sa nangyayari sa kalikasan, tayo'y magnilay

may ulat na balyena'y namatay sa karagatan
at may apatnapung kilong plastik sa kanyang tiyan
may mga munting dolphin ding may gayong kapalaran
bakit nangyayari ito, sinong may kasalanan?

natadtad na ng polusyon ang lupa hanggang bundok
nagkalat din ang mga basurang di nabubulok
dapat magbayad ng malaki ang nagpapausok
dulot ng coal fired power plants na nakasusulasok

ang dagat na'y kayraming upos at single use plastic
kayraming usok ng sasakyan sa ragasang trapik
nauubos na ang kagubatang sa bunga'y hitik
sa nangyayari, tayo pa rin ba'y patumpik-tumpik

sa karagatan nagmumula ang pagkaing isda
at sa bukid nakukuha ang pagkaing sariwa
kung ang saribuhay ay ating binabalewala
magugutom ang mayamang bansang kayraming dukha

sinong sumisira ng kalikasan kundi tao
sinong magtatanggol sa kalikasan kundi tao
sinong kikilos upang mapangalagaan ito
protektahan ang kalikasan, sama-sama tayo

malulutas din ang mga nangyayaring problema
dagat, gubat, lungsod, hangin, bundok, protektahan na
sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, tara
para sa kalikasan, kumilos na't magkaisa!

- gregbituinjr.

Sabado, Mayo 18, 2019

Soneto sa kaarawan ng dalawang magigiting na lider ng masa

SONETO SA KAARAWAN NG DALAWANG MAGIGITING NA LIDER NG MASA

Maligayang kaarawan sa dalawang magaling
Na lider ng pakikibaka't sadyang magigiting
Humaba pa ang buhay nila'y tangi naming hiling
Maging malakas pa sila lalo't masa'y kapiling

Lider nating Pedring Fadrigon at Tita Flor Santos
Sa maraming isyu ng masa'y talagang kumilos
Ibinigay ang panahon at nakibakang lubos
Upang maralita'y di na basta binubusabos.

Sa inyo, Tita Flor Santos at Ka Pedring Fadrigon
Kasama ng masa sa pagharap sa mga hamon
Sa marami sa amin, tunay kayong inspirasyon
Talagang kasama sa pagbabago't rebolusyon

Nawa'y magpatuloy sa adhikaing nasimulan
At muli, pagbati ng maligayang kaarawan!

- gregbituinjr.,05/18/2019

Huwebes, Mayo 16, 2019

Hindi natin kailangan ng amo

HINDI NATIN KAILANGAN NG AMO

"Kailangan ako ng amo ko," sabi mo noon
Hanggang ikaw ay lumisan at nagtrabaho doon
Inuna ang pamilya upang may maipanglamon
Dapat kumayod ng husto, walang baka-bakasyon.

Ganyan nga sa araw-araw ang ating ginagawa
Laging nagkakayod-kalabaw tayong manggagawa
Upang magpatuloy ang kumpanyang tuso't kuhila
Kontrakwal man at karampot na sahod ang mapala.

May hukbo kasing walang trabaho, mga karibal
Parang agawang buko, di ka basta makaangal
Pag nagreklamo, turing sa iyo'y parang kriminal
Pag di ka nagreklamo, para kang robot na hangal!

Di naman talaga natin kailangan ng amo
Basta gawin natin ang napag-usapang trabaho
Di alipin ngunit kailangan natin ng sweldo
Kaya para sa pamilya'y kumakayod ng husto.

Di tayo mamamatay kung mga amo'y mawala
Dahil sa manggagawa kaya sila pinagpala
Hindi sila mabubuhay kung obrero'y mawala
Pagkat pabrika o kumpanya'y di tatakbong kusa.

Oo, sila lamang ang may kailangan sa atin
At kailangan nila ang lakas-paggawa natin
Subalit kung tayo lang ay tapat na tatanungin
Di natin kailangan ng amo, iya'y isipin!

- gregbituinjr.

Kumilos kasama ng masa

Kung nais mong tulungan ang "masa" at manalo sa simpatiya at suporta ng "masa," hindi ka dapat matakot sa mga kahirapan, o sakit, panlilinlang, insulto at pag-uusig mula sa "mga pinuno," ngunit dapat ganap na kumilos kung saan matatagpuan ang masa.
~ Lenin, Kaliwang Panig na Komunismo: Sakit ng Musmos (1920)

KUMILOS KASAMA NG MASA

"para sa masa", iyan ang bukambibig ng trapo
"makamahirap ako," ang sambit ng pulitiko
ngunit una sa pulitiko'y kanilang negosyo
sa aktwal ay di nakikitang nagpapakatao

ani Lenin, kung ang masa'y nais nating tulungan
huwag katakutan ang sakripisyo't kahirapan,
ni ang sakit, panlalansi't panghahamak ninuman
ngunit kumilos saanman ang masa matagpuan

sa pagnanasang baguhin ang bulok na sistema
di ba't dapat makasama ang milyun-milyong masa
na pangungunahan ng manggagawa't magsasaka
na mapalitan ang sistemang burgis-elitista

ayaw na nating umiral pa ang sistemang bulok
tandaan natin ang sabi sa awit na "Tatsulok":
"hustisya'y para lang sa mayaman", di ko malunok
kaya maghanda sa panibagong pakikihamok

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 15, 2019

Ang 13 Martir ng Bagumbayan, ng Cavite, at ng Arad

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN, NG CAVITE, AT NG ARAD
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Ano nga ba ang mayroon sa numero 13 at sa pananaliksik ko'y may labintatlong martir ng himagsikan sa tatlong lugar - dalawa sa Pilipinas at 1 sa ibang bansa. Marahil ay mayroon pang iba na tulad nito na hindi pa nasasaliksik. 

Sagisag ba ng kamalasan ang numero 13 kaya labintatlong manghihimagsik ay magkakasamang pinaslang sa magkakahiwalay na pangyayaring ito?

Naisip kong sulatin ang artikulong ito dahil nang sinaliksik ko ang talambuhay ni Moises Salvador, napag-alaman kong isa siya sa 13 Martir ng Bagumbayan. Sa Moises Salvador Elementary School ako bumuboto kaya pilit kong kinilala si Moises Salvador. Dahil kilalang lugar sa Cavite ang Trese Martires, na ipinangalan sa 13 martir ng Cavite noong Himagsikan Laban sa Kastila, naisip kong pagsamahin sa iisang artikulo ang 13 Martir ng Bagumbayan at 13 Martir ng Cavite. Ito'y paraan din upang ipakilalang may 13 Martir ng Bagumbayan, pagkat mas kilala sa kasaysayan ang 13 Martir ng Cavite. 

Habang nagsasaliksik ako'y mayroon din palang 13 martir sa Arad, sa Hungary, kaya isinama ko na rin ito rito. Matapos ang Rebolusyong Hungaryano noong 1848-1849, pinaslang ng Imperyo ng Austria noong Oktubre 6, 1849 ang nadakip na labintatlong rebeldeng Heneral ng Hungary.

Sa Pilipinas, bukod sa nabanggit kong 13 martir ng Bagumbayan at 13 martir ng Cavite, marami pang Pilipinong martir na pinaslang noong panahon ng mga Kastila subalit hindi labintatlo, tulad ng 15 martir ng Bicol at 19 na martir ng Aklan, subalit hindi ko na muna sila tatalakayin dito. May pagkakapareho ang mga nabanggit na pangyayari. At lahat ng mga martir na ito'y nakibaka upang palayain ang kanilang bayan laban sa pananakop ng dayuhan. Nais nilang maging malaya, at hindi alipin ng mga mananakop. Nais nilang magkaroon ng malaya, mapayapa at maginhawang bayan.

Halina't talakayin natin ang 13 martir sa bawat pangyayari.

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN

Noong Enero 11, 1897, binaril sa Bagumbayan ang labintatlong maghihimagsik na nadakip ng mga Kastila matapos pangunahan ni Supremo Gat Andres Bonifacio ang pagpunit ng sedula bilang simbolo ng paglaban sa mananakop na Kastila. Ang 13 nadakip ay hinatulan ng mga Kastila sa kasong sedisyon, at pinaslang sa Bagumbayan.

Ang labintatlong martir ng Bagumbayan ay sina: 
1. Numeriano Adriano (abugado),
2. Domingo Franco (negosyante at propagandista),
3. Moises Salvador (propagandista),
4. Francisco L. Roxas (industriyalista at lider-sibiko),
5. Jose Dizon (kasapi ng Katipunan),
6. Benedicto Nijaga (tinyente sa hukbong Espanyol at kasapi ng Katipunan, mula sa Calbayog, Samar),
7. Geronimo Cristobal Medina (korporal sa hukbong Espanyol at kasapi Katipunan).
8. Antonio Salazar (negosyante),
9. Ramon A. Padilla (empleyado at propagandista),
10. Faustino Villaruel (negosyante at Mason),
11. Braulio Rivera (kasapi ng Katipunan),
12. Luis Inciso Villaruel, at
13. Estacio Manalac.

Naglagay ng makasaysayang batong-tanda ang National Historical Institute sa Rizal Park bilang pag-alala sa 13 Martir ng Bagumbayan.

ANG 13 MARTIR NG CAVITE

Noong Setyembre 12, 1896, labintatlong maghihimagsik ang pinaslang ng mga Kastila sa Plaza de Armas malapit sa Fuerto de San Felipe, sa Lungsod ng Cavite, dahil sa pagkakasangkot sa rebolusyon ng Katipunan. Sampu sa mga martir ay mga Mason, at tatlo ang hindi. Ito'y sina:
1. Si Mariano Inocencio, 64, isang mayamang propitaryo,
2. Jose Lallana, 54, isang sastre, dating kabo sa hukbong Espanyol at isang Mason,
3. Eugenio Cabezas, 41, manggagawa ng relo at miyembro ng Katipunan,
4. Maximo Gregorio, 40, kawani ng arsenal sa Cavite,
5. Hugo Perez, 40, isang doktor at kasapi ng Katipunan,
6. Severino Lapidario, 38, Punong Bantay sa piitang panlalawigan at kasapi ng Katipunan,
7. Alfonso de Ocampo, 36, isang mestisong Espanyol at kasapi ng Katipunan,
8. Luis Aguado, 33, kawani ng arsenal sa Cavite,
9. Victoriano Luciano, 32, parmasyutiko at makata, at
10. Feliciano Cabuco, 31, kawani ng ospital na pang-nabal sa Cavite.

Ang tatlong hindi Mason ay sina:
11. Francisco Osorio, 36, isang mestisong Intsik at kontratista,
12. Antonio de San Agustin, 35, isang siruhano at negosyante, at
13. Agapito Concio, 33, isang guro, musikero at pintor.

Sa alaala ng 13 martir ng Cavite, noong 1906, isang bantayog ang itinayo sa lugar kung saan sila pinaslang. Ang kabisera ng Cavite ay pinalitan naman ng Trece Martires bilang paggunita sa 13 martir, at ang 13 mga nayon nito ay ipinangalan sa bawat isang martir.

ANG 13 MARTIR NG ARAD

Noong Oktubre 6, 1849, pinaslang sa utos ni Heneral Julius Jacob von Haynau ng Austria ang labintatlong rebeldeng heneral ng Hungary sa lungsod ng Arad pagkatapos ng Rebolusyong Hungaryano. Ang Arad ay bahagi ng Kaharian ng Hungary na ngayon ay bahagi na ng bansang Romania. Karamihan sa mga martir ay hindi binaril, bagkus ay binigti.
Ang labintatlong Martir ng Arad ay sina:
1. Lajos Aulich (1793-1849)
2. János Damjanich (1804-1849)
3. Arisztid Dessewffy (1802-1849)
4. Ernő Kiss (1799-1849)
5. Károly Knezić (1808-1849)
6. György Lahner (1795-1849)
7. Vilmos Lázár (1815-1849)
8. Károly Leiningen-Westerburg (1819-1849)
9. József Nagysándor (1804-1849)
10. Ernő Poeltenberg (1814-1849)
11. József Schweidel (1796-1849)
12. Ignác Török (1795-1849)
13. Károly Vécsey (1807-1849)

Bilang pag-alala sa kanila, nagkaroon ng nililok na mukha ng 13 martir ng Arad sa patyo ng Museum of Military History sa Arpad Toth Promenade 40, Buda Castle Quarter, sa Budapest, Hungary.

May kwento sa Hungary na habang binibitay ang mga heneral ay nag-iinuman ng serbesa ang mga sundalong Austriano, at ikinakalansing ang kanilang mga baso ng serbesa sa pagdiriwang sa pagkatalo ng Hungary. Kaya isinumpa ng mga Hungaryo na hindi makikipagkalansing ng baso muli habang umiinom ng serbesa sa loob ng 150 taon. Bagamat ang nabanggit na tradisyon ay hindi na ginagawa ngayon, mayroon pa ring mga makabayang Hungaryo na hindi nakalilimot sa nangyari sa Arad sa kasaysayan ng Hungary.

Sa aking pagninilay sa mga pangyayaring ito'y nakalikha ako ng tula hinggil sa bawat pangyayari.

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN, NG CAVITE, AT NG ARAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano kayang mayroon sa bilang na labingtatlo
at sa kasaysayan, mayroong labintatlong martir?
Nagkataon bang labintatlong rebolusyonaryo
ang lumaban upang durugin ang malaking pader?

Ilang araw lang matapos si Rizal ay mapaslang
sa Bagumbayan nitong mananakop na Kastila
Labintatlong maghihimagsik din yaong pinaslang
sa parehong lunan, mga buhay nila'y winala.

Doon sa Cavite'y labintatlong maghihimagsik
ang pinaslang ng mga Kastila't pinagbabaril
At sa lugar na iyon, bantayog ay itinirik
bilang tanda ng paglaban sa mga maniniil.

Sa Hungary'y pinaslang ang labintatlong heneral
na nadakip sa paglaban sa Imperyong Austria
Ang karamihan sa kanila'y binigti, sinakal
habang kalaban nila'y umiinom, tumatawa.

Sa labintatlong martir, taos-pusong pagpupugay!
dahil ipinaglaban ninyo ang laya ng bayan.
Nagkaisa't naghimagsik kapalit man ay buhay
puso't diwa'y inilaan para sa sambayanan.

Mga pinagsanggunian:
http://www.executedtoday.com/2010/01/11/1897-the-thirteen-martyrs-of-bagumbayan/
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/871/today-in-philippine-history-january-11-1897-the-socalled-thirteen-martyrs-of-bagumbayan-were-executed
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/597/today-in-philippine-history-september-12-1896-the-13-martyrs-of-cavite-were-executed-by-spanish-authorities
http://www.executedtoday.com/2008/10/06/1849-lajos-batthyany-13-martyrs-of-arad-hungary-1848/
https://en.wikipedia.org/wiki/The_13_Martyrs_of_Arad

Martes, Mayo 14, 2019

Kailan ba talaga isinilang ang KPML: 1985 o 1986?

KAILAN BA TALAGA ISINILANG ANG KPML: 1985 O 1986?
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Natatandaan ko, may naisulat noon si Ka Roger Borromeo (SLN), dating pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, hinggil sa kasaysayan ng KPML, at isinulat nga niyang noong panahon ni Marcos isinilang ang KPML. Natatandaan kong isinulat niya ay parang ganito: "Sa gitna ng pakikibaka laban sa diktadurang Marcos isinilang ang KPML". Subalit wala akong kopya ng sinulat niyang iyon, at hindi ko iyon pinansin sa pag-aakalang Disyembre 18, 1986 isinilang ang KPML dahil iyon ang nakasaad sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML".

Ang petsang iyon na ang nakagisnan ko nang maging staff ako ng KPML noong Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008. Nakabalik lamang ako sa KPML nitong Setyembre 16, 2018 nang mahalal ako bilang sekretaryo heneral ng pambansang pamunuan nito. Matagal na naming alam na isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, dahil iyon ang itinuro sa amin ng mga naunang lider ng KPML. Subalit nang makita ko ang kasaysayan ng PCUP na binanggit ang KPML, naisip kong hindi 1986 itinatag ang KPML kundi noon pang panahon ni Marcos, na marahil ay noong 1985. Binalikan ko rin ang isang magasin hinggil kay ka Eddie Guazon, kung saan nabanggit na pangulo siya ng KPML sa kalagitnaan ng taong 1986.

Ang sumusunod ang nakasulat na kasaysayan ng KPML, ayon sa dokumentong "ORYENTASYON NG KPML", na hawak ng bawat lider at organisador ng KPML sa mahabang panahon, at makikita rin sa blog ng KPML na nasa kawing na http://kpml-org.blogspot.com/2008/04/oryentasyon-ng-kpml.html.

"C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralita ng lunsod.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita."

Subalit nabahala ako na baka totoo nga ang isinulat noon ni KR na kasagsagan ng pagkapangulo ni Marcos nang isinilang ang KPML. Kung pagtutugmain sa pagkakatatag ng Presidential Commission of the Urban Poor (PCUP), marahil ay isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1985, panahong di pa nagaganap ang Pag-aalsang EDSA. Panahon din ito kung saan naitatag ang Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) na naitatag noong Nobyembre 23, 1985, at BALAY Rehabilitation Center noong Setyembre 27, 1985.

ANG KPML, AYON SA PCUP

Ganito naman ikinwento ng PCUP ang kanilang kasaysayan kung saan nabanggit nila ang KPML, at inilathala ko naman ng buo sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang publikasyon ng KPML, isyu ng Abril 1-15, 2019, mula sa kawing na http://pcup.gov.ph/index.php/transparency/about-pcup/background-history:

"Two months after the February political revolt, on April 10, 1986 the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, or KPML, had a dialogue with President Corazon C. Aquino and demanded for a moratorium on demolition, and for the establishment of the Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), a government unit that would allow avenues for the poor for consultation and participation on things that concern them.

On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor.

On December 8, 1986, President Aquino issued Executive Order No. 82 which created PCUP, mainly a coordinative and advocacy body mandated to serve as the direct link of the urban poor to the government in policy formulation and program implementation addressed to their needs”. Nakakuha ako ng dalawang pahinang dokumento ng Executive Order 82, na nag-aatas ng pagtatayo ng PCUP, na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino, na may petsang Disyembre 8, 1986.

Abril 10, 1986 pa lang ay may KPML na, ayon sa dokumento ng PCUP. Kaya paanong naging Disyembre 18, 1986 saka lang nabuo ang KPML?

PAGKAKABUO NG NACUPO

Ayon naman sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML": "Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang." Subalit ayon sa PCUP: "On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor."

Noong Mayo 1990, isang taon mula nang mamatay si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML, ay inilathala ang talambuhay ni Ka Eddie sa isang babasahin, at ganito naman ang isinasaad, mula sa kawing na https://kpml-org.blogspot.com/2009/05/touched-by-his-life-ka-eddie-guazon.html.

"In mid-1986, the Aquino administration sponsored a national consultation-workshop among the urban poor, during which the National Congress of the Urban Poor Organizations (NACUPO) was formed. Together with the other delegates, Tatay Eddie, who was already the KPML chairman then, called for the creation of an agency for the urban poor. The agency would represent the urban poor in the planning and implementation of government programs and policies."

Kalagitnaan pa lang ng 1986 ay nakatayo na ang KPML, at tagapangulo na noon si Ka Eddie Guazon. Kaiba ito kaysa nakasaad sa Oryentasyon ng KPML na nagsasabing Disyembre 18, 1986 naitatag ang KPML gayong may KPML na sa kalagitnaan ng 1986. Ayon pa sa Oryentasyon, sa kalagitnaan ng taong 1987 nabuo ang NACUPO, ngunit walang eksaktong petsa. Subalit 1986 ito nabuo, ayon sa talambuhay ni Ka Eddie Guazon, at sa dokumento ng PCUP na isinulat ang eksaktong petsa, Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, na apat na araw na pagtitipon. Alin ang totoo?

ILANG PAGSUSURI

Kung naitayo ang PCUP noong Disyembre 8, 1986, kung saan isa ang KPML na nakibaka upang maitayo ang PCUP, at sinasabi naman ng KPML na isinilang siya noong Disyembre 18, 1986, hindi nagtutugma ang kasaysayan. Dahil nauna ng sampung araw na itinatag ang PCUP kaysa KPML, gayong ang KPML ang isa sa nanawagang magkaroon ng PCUP. May problema sa datos.

Subalit kung totoo ang sinabi ni KR na panahon ni Marcos nang itatag ang KPML, magtutugma ang kasaysayan sa tatlong batayan: ang sinabi ni KR, ang dokumento ng PCUP, at ang talambuhay ni Ka Eddie Guazon. Dagdag pa, suriin din ang mga datos ng tatlong dokumento: ang Oryentasyon ng KPML, ang kasaysayan ng PCUP, at ang talambuhay ni Ka Eddie Guazon, kung anong taon talaga isinilang ang KPML. Kung nahingi ko lang noon kay KR ang isinulat niyang kasaysayan ng KPML, magandang panimula na sana iyon ng pagtatama ng kasaysayan. Subalit hindi ko iyon binigyang pansin noon, dahil nga batay sa Oryentasyon ng KPML, 1986 at hindi 1985 isinilang ang KPML, at may selyong bakal pa ang KPML na nakasulat ang Disyembre 18, 1986.

Maraming dapat itama sa datos, lalo na't hindi magkakatugma. Kailan talaga isinilang ang KPML? Disyembre 18, 1985 nga ba, na batay sa isinulat noon ni KR, na nakita ko, subalit wala akong kopya? O ang nakasaad sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML" na isinilang ang samahang ito noong Disyembre 18, 1986?

Ang tanong, sino ang nagsulat ng naunang kasaysayan ng KPML na ginagamit sa oryentasyon nito, at bakit hindi ito nagtutugma sa mga pangyayari batay sa kasaysayan ng PCUP at sa talambuhay ni Ka Eddie? Kailangan nating malaman kung kailan talaga isinilang ang KPML dahil malaki ang epekto nito. Panahon ba ni Marcos isinilang ang KPML kung saan matindi pa ang paglaban ng mga tao sa diktadurang Marcos? O sa panahon ni Cory Aquino na diumano'y may kalayaan na, at sariwa pa ang tagumpay ng mga tao sa pagpapatalsik sa tinagurian nilang diktador? Sumama ba at nakibahagi ang KPML sa Pag-aalsang EDSA noong Pebrero 22-25, 1986?

Marahil dapat tanungin ang mga naunang lider ng KPML na nabubuhay pa, katulad ni Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, at ni Ka Butch Ablir ng ZOTO.

Marahil dapat pag-usapan ang kasaysayang ito ng pambansang pamunuan ng KPML, kasama ang Konseho ng mga Lider nito, sa susunod na pulong ng Pambansang Konseho nito sa darating na panahon. At kung kinakailangan, isulat ang resolusyon ng pagtatama ng kasaysayan ng KPML, na lalagdaan ng mayorya ng kasapi ng Pambansang Konseho ng KPML.

KONGKLUSYON

Kung pagbabatayan ko ang mga datos, hindi Disyembre 18, 1986 isinilang ang KPML, at malamang ay Disyembre 18, 1985. Hindi lang ito usapin ng petsa o kung anong taon talaga isinilang ang KPML. Usapin ito ng pagsasalaysay ng tama, kung ano ang naging batayan ng pagkakabuo, kung anong panahon, tulad ng panahon ba ng diktadura kaya dapat itayo ang KPML, o panahon na kasi na "malaya" na ang bayan kaya malaya na tayong nakapag-organisa.

Kung ang KPML ay naitatag noong 1985, ang KPML ay ibinulwak ng pakikibakang anti-diktadura, tulad ng kasabayan nitong FIND at BALAY. Kung 1986 naman, ano ang batayan ng pagkakatatag ng KPML sa panahong "malaya" na ang bayan? Ganyan kahalaga ang kasaysayan, kaya dapat maitama rin natin ang mga petsa at datos na dapat maisulat.

Batay sa pagsusuri at mga nasaliksik na ito, kailangang itama at muling isulat ang kasaysayan ng KPML.

Lunes, Mayo 13, 2019

Sino si Moises Salvador?

SINO SI MOISES SALVADOR?
ni Greg Bituin Jr.

Kaboboto ko lang muli sa Moises Salvador Elementary School ngayong Halalan 2019. Ito na ang pang-ilampung boto ko sa paaralang ito. Bata pa lang ako ay kilala ko na ang pangalang Moises Salvador dahil sa pangalan ito ng isa sa tatlong magkakatabing eskwelahan malapit sa aming bahay sa Sampaloc. Ang dalawa pang katabing paaralan ng Moises ay ang Trinidad Tecson Elementary School, at ang Heneral Licerio Geronimo Elementary School.

Kilala ko na ang Moises Salvador sapul nang aking kabataan, subalit hindi ko talaga kilala sino ba si Moises Salvador bilang tao. Kilala ko ang Moises Salvador dahil ang paaralang ito ang pinagbotohan ko nang higit dalawang dekada.

Sino nga ba si Moises Salvador, at bakit ipinangalan sa kanya ang isang paaralan? Labindalawang araw lang mula nang paslangin ng mga Espanyol si Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan, labintatlo pang martir para sa pagpapalaya ng bayan ang binaril din sa Bagumbayan. At isa si Moises Salvador sa mga martir na iyon.

Sa website na http://www.executedtoday.com/tag/moises-salvador/, nabanggit si Moises Salvador, kung saan kasama siya sa labintatlong martir ng Bagumabayan. Subalit walang kawing hinggil sa kanyang talambuhay, di tulad ng siyam na kasama niyang martir. Sa artikulong pinamagatang "1897: The Thirteen Martyrs of Bagumbayan", na may petsang Enero 11, 2010, ay ganito ang nakasulat:

On this date in 1897, days after Philippine independence hero Jose Rizal was shot by the Spanish, 13 martyrs to the same cause suffered the same fate at the same execution grounds.

The 13 Martyrs of Bagumbayan (not to be confused with the 13 Martyrs of Cavite; it was a bakers’ dozen special on Filipino martyrs during the Philippine Revolution) consisted of:


• Domingo Franco (Wikipilipinas | Philippine National Historical Institute (pdf))

• Numeriano Adriano
• Moises Salvador
• Francisco Roxas (Wikipilipinas)
• Jose Dizon (Wikipedia | Wikipilipinas)
• Benedicto Nijaga (Philippine National Historical Institute (pdf))
• Cristobal Medina
• Antonio Salazar (Philippine National Historical Institute (pdf))
• Ramon A. Padilla (Philippine National Historical Institute (pdf))
• Faustino Villaruel (Wikipilipinas)
• Braulio Rivera (Philippine National Historical Institute (pdf))
• Luis Enciso Villareal
• Eustacio Manalac (Philippine National Historical Institute (pdf))

They were casualties of Spanish pressure against the revolutionary Katipunan and/or its Rizal-rounded parent organization La Liga Filipina.


Not all this grab-bag of sacrificial patriots were really firebreathing revolutionaries. But the (serious) divisions among Filipino activists and revolutionaries were of small import to the Spanish, who (as the 13-strong martyr batches suggest) went in for the wholesale school of repression.


Perhaps most notable in this day’s batch was Francisco Roxas, one of the Philippines’ wealthiest men. Despite his liberal sympathies, he’d refused the more radical Katipunan’s shakedown for financing, only to have that organization vengefully place his name on a membership list the Spanish were sure to find. (Roxas maintained his innocence, but accepted his unsought martyr’s crown and never betrayed his fellows.)


Sa website na http://www.elaput.org/moisesal.htm, tinalakay ang talambuhay si Moises Salvador, at pinamagatan itong Moises Salvador (1868-1897) "Ang Español Na Bayaning Pilipino: Isa sa 13 Martires ng Bagumbayan nuong Enero 11, 1897".

Narito ang talambuhay ni Salvador na tinalakay sa nasabing blog.

MOISES SALVADOR (1868 - 1897)

ANAK-MAYAMAN si Moises Salvador, isinilang nuong Noviembre 25, 1868 sa San Sebastian na bahagi nuon ng Quiapo, sa Manila. Gaya ng ibang mga anak-mayaman, sa Ateneo de Manila pinag-aral si Moises ng kanyang mga magulang, sina Ambrosio Salvador at Acosta Francisco, na kapwa Español. Pangarap nilang maging doctor ang anak, kaya ipinadala si Moises sa Madrid, España upang ipagpatuloy ang pag-aral ng medicina.


Habang nag-aaral duon, nakilala ni Moises si Jose Rizal at Marcelo del Pilar, kapwa magilas sa pagpahayag sa La Solidaridad at pagpalawak ng propaganda upang mapagbuti ang kalagayan ng mga tao sa Pilipinas na nagdurusa sa malupit na pamahalaang Español.


Napahanga si Moises at sumanib siya sa kilusang propaganda ng mga Pilipino sa España. Sumali rin siya sa kapatiran ng mga Mason (freemasons), panguna nuon sa pagsikap na mapagbuti ang kalagayan ng mga tao sa lahat ng puok.


Nabahala ang mga magulang sa bagong tuntuning tinahak ni Moises at pinabalik siya sa Manila. Dumating si Moises nuong Abril 1891, dala-dala ang mga kasulatan at pinagkasunduan (acuerdos) para sa mga samahan ng Mason (masonic lodges) sa Manila. Siya ang tinakdang tagatanggap sa Manila ng mga atas ng Mason mula sa España at tagapagbalita duon ng anumang naganap sa Manila.


Hinatid niya ang mga kasulatan kina Andres Bonifacio at Deodato Arellano at nuong taon ding iyon, sumanib sa logia (lodge) Nilad, ang kauna-unahang samahang Mason sa Pilipinas, sa pangalang ‘Araw.’ Masugid niyang pinalago ang kapatiran at wala pang isang taon, nuong Marso 1892, nakapagtatag siya, at pinamunuan bilang maestro venerable, ng sariling logia Balagtas.


Pagkaraan ng ilang buwan, nang itatag ni Rizal ang La Liga Filipina sa Manila, sumanib si Moises nuong Hulyo 3, 1892, at napiling isa sa mga pinuno, kasama ang kanyang ama, si Ambrosio, ang pangulo sa pagtatag ng Liga.


Subalit hindi nag-isang linggo, dinakip at ipinatapon si Rizal sa Dapitan, Mindanao.


Matamang nagdimdim ang mga Mason, at naghati sa dalawang pangkat. Isa, pinamunuan ni Bonifacio, ay humilig sa marahas na pagsalungat sa pagmamalupit ng mga frayle at pamahalaang Español. Itong pangkat, nang kumalas nang lubusan sa Mason, ang naging punla ng Katipunan na nag-amuki ng sukdulang himagsikan at tuluyang paglaya mula sa pagsakop ng España.


Ang pangalawang pangkat ng mga Mason, tinawag na Cuerpios de Compromisarios (figures of compromise), ay nanatiling panalig sa pagbuti ng kalagayan ng mga tao sa mahinahon at mapayapang paraan. Ipinasiya nilang ipagpatuloy ang pagtustos sa La Solidaridad sa España upang manawagan ng pagbubuti na magmula duon. Sa pangkat na ito sumali si Moises.


Nuong Nobyembre 26, 1892, ikinasal si Moises kay Isidra Narcisco. Hindi sila nagkaanak.


Mahilig si Moises sa sports. Karaniwan siyang maglaro ng chess o magbisikleta pagkatapos ng maghapong trabaho. Madalas din siyang magpiknik at dumalo sa sayawan at iba’t iba pang kasayahan. Subalit sa maghapon, subsob ang ulo niya sa pagtupad sa kanilang kontrata ng paggawa (konstrruksyon), gawaing minana niya sa kanyang ama. Isa sa mga itinayo niya ay ang tuntungan (pundasyon) ng tulay ng Santa Cruz (tinawag na McArthur bridge mula nuong panahon ng Amerikano) patawid sa ilog Pasig.


Masigasig din siya sa mga tungkuling Mason.


Nang matuklasan ang Katipunan nuong Agosto 1896, nagtakbuhan ang mga Katipunero at namundok. Hindi tumakas ang mga Mason, naniwalang ligtas sila dahil hindi sila kasangkot sa himagsikan, subalit inusig sila ng mga prayle at pamahalaang Español. Nuong Setyembre 16, 1896, dinakip si Moises at ang kanyang ama, si Ambrosio, at kapwa sila ikinulong at pinahirapan upang umamin at mangumpisal. Inilit ang kanilang mga ari-arian bago sila hinatulang mabitay sa salang paghihimagsik.


Nakagapos ang mga kamay, pinalakad si Moises, kasama ng 12 pang Mason na bibitayin din nuong umaga ng Enero 11, 1897. Nakayapak, tahimik na nagtabako si Moises patungo sa Bagumbayan (tinawag ding Luneta, Rizal Park na ngayon). Binaril siya duon, kasama nina Jose A. Dizon, Benedicto Nijaga, Geronimo Medina, Antonio Salazar, Ramon Padilla, Braulio Rivera, Estacio Mañalac, Numeriano Adriano, Domingo Franco, Francisco L. Roxas, Luis E. Villareal at Faustino Villaruel.


Inilibing si Moises sa libingang Paco, gaya ng kaibigan niyang si Jose Rizal.


Pagkatalo ng mga Español, nang si general Juan Cailles ng himagsikan ang namuno na sa Paco, hinukay ang bangkay ni Moises at inilibing sa simbahang Pandacan. Nuong Hulyo 13, 1936, naglabas ang pamahalaang Maynila ng Batas 2384, pinalitan ang pangalan ng mababang paaralan ng Guipit, sa purok ng Sampaloc, sa pangalan ni Moises Salvador, bilang parangal at pagkilala sa kanyang giting at pagsigasig mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.


Pagsuri kay Jose Rizal  Tungkol Kay Moises Salvador


Tanong: “Kilala mo ba si Moises Salvador?”


“Nagkakilala kami sa Madrid nuong 1890. Wala kaming kaugnayan maliban sa pagiging magkababayan. Wala akong hinala sa kanya.”


Tanong: “Kilala mo ba si Ambrosio Salvador?”


“Oo, ipinakilala ako ni Moises Salvador sa kanya.”


Tanong: “Tutuo ba na bago natapos ang pulong sa bahay ni Doroteo Ong-jungco, nagkaruon ng halalan ng mga pinuno ng Liga, at ang nanalo ay si Ambrosio Salvador bilang Pangulo at si Deodato Arellano bilang Kalihim? At hindi ba inamuki mo kay Pangulo Salvador na magsigasig pang lalo, at magkasundo at magtulungan ang mga kasapi?”


“Oo, ganuon nga ang naganap, maliban sa pagkahalal kay Deodato Arellano bilang Kalihim dahil hindi ko maisip na dadalo si Arellano sa ganuong uri ng pulong.”


Testigo ni Antonio Luna


“Nuong bandang Agosto 27 (1896), bago sinalakay ang Santa Mesa, ipinaliwanag ko kay Doctor Panzano upang ihatid niya sa gobernador heneral na ang La Liga Filipina at ang Katipunan ay dalawang samahang may kahina-hinalang tangka. Nalaman ko ang pagtatag ng Liga mula kay Moises Salvador, isang kontratistang may-ari ng sariling niyang kumpanya. Nalaman ko naman ang mas malawak na samahang Katipunan mula kay Doctor Bautista Lim (“Don Ariston”) isa o dalawang araw bago siya dinakip.”


Ito naman ang nakasaad na talaan ng pinagkunan ng talambuhay ni Moises Salvador: 
(a) City of Manila Almanac, www.cityofmanila.com.ph/almanac.htm 
(b) Jose Rizal testimony, Transcript of his court hearing, Nov 20, 1896, pages.prodigy.net/manila_girl/rizal/court.htm 
(c) The Testimony of Antonio Luna, Bambi L Harper, Sense and Sensibility, www.inq7.net/opi/2004/jan/20/opi_blharper-1.htm 
(d) Moises Salvador, Tomas L, www.geocities.com/sinupan/salvadormoises.htm

Sa pagtatapos ay ginawan ko ng tula ang buhay ni Moises Salvador bilang pagpupugay sa kanya at sa paaralang ipinangalan sa kanya kung saan sa paaralang ito ginaganap ang pagboto ng aking mga ka-barangay sa pambansa at lokal na halalan at mahigit dalawang dekada ko nang pinagbobotohan.

PAGPUPUGAY KAY MOISES SALVADOR
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

pangalang Moises Salvador ay aking nakilala
sapul ng pagkabata dahil sa isang eskwela
siya pala'y isang bayani rin, sumama siya
kina Rizal, Plaridel, sa kilusang propaganda

sumanib sa Mason, diwa'y matalas, matalino
hanggang makilala si Deodato Arellano
na sa kilusang Katipunan ay unang pangulo
nakilala rin niya si Gat Andres Bonifacio

hanggang sa La Liga Filipina, siya'y sumapi
na pangulo'y kanyang ama, kumilos ng masidhi
hanggang dinakip si Rizal, ang bayani ng lahi
pinatapon sa Dapitan, ang La Liga'y ginapi

Katipunan ay natuklasan ng mga Espanyol
kaya mga Katipunero'y agad na nagtanggol
ang tulad niyang Mason, akala'y di masasapol
ngunit hinuli sila't inusig, binigyang hatol

hanggang si Rizal, pinaslang doon sa Bagumbayan;
labingdalawang araw matapos itong mapaslang
si Moises Salvador, binaril din sa Bagumbayan
na kasama ang labindalawa pang kababayan

sa iyo, O, Moises Salvador, isang pagpupugay
paaralang ipinangalan sa iyo'y kayhusay
pagkat buhay ng nagtapos dito'y naging makulay
O, mabuhay ka, Moises, martir ka't bayaning tunay!

Biyernes, Mayo 10, 2019

Hiyaw ng masa: Hustisya sa bayan ko!

HIYAW NG MASA: HUSTISYA SA BAYAN KO!

Ngayong ikasampu ng Mayo ay anibersaryo
ng pagkapaslang sa Supremo Andres Bonifacio.
Isang paggunita sa pagpaslang sa libu-libo.
Sa ngalan ng War on Drugs, naging War on the Poor ito.
Kaya ang hiyaw ng madla: HUSTISYA sa bayan ko!

Taas-kamao't mahigpit kaming nakikiisa
sa mga nakikibaka laban sa bantang Cha-Cha.
Nagbabanta ang mga naiibang elitista.
Babaguhin ang Konstitusyon dahil gusto nila
nang mapagharian ang peke nilang demokrasya

Babaguhin ang sistema tungong federalismo?
Sa ibang bansang watak-watak, nagkaisang todo
kaya sistema'y federal ng mga bansang ito.
Mula isang bansa'y pagbubukurin tayo,
iigting ang dinastiya't kabulukan ng trapo.

Inumpisahan nila sa pananakot, panonokhang
upang matakot pumalag ang masa't sambayanan.
Suriin mo, pulos droga lang ang kanilang alam
at sa Tsina'y nais pa tayong maging lalawigan.
Tayo'y inuuto, ibinebenta na ang bayan!

Huwag tayong matakot, harapin ang mga buktot!
Huwag nating hayaang tuwid ay binabaluktot!
Huwag nang iboto ang mandarambong at kurakot!
Ang tokhang, Cha-Cha't federalismong plano ng buktot
ay huwag payagan! Magkaisa at huwag matakot!

Ngayon ngang gabing ito'y nagkakapitbisig tayo.
Para sa kinabukasan ang pagkilos na ito
pagkat kailangan natin ay malayang senado!
Sa parating na botohan sa a-trese ng Mayo,
Otso Derecho at Labor Win, ating ipanalo!

- gregbituinjr., binasa sa Miting De Avance para sa bayan, 
na ginanap sa People Power Monument, Mayo 10, 2019
* ang tulang ito'y may tugma't sukat, labinlimang pantig bawat taludtod.

Miyerkules, Mayo 8, 2019

Sariling kaligtasan lang ba o kaligtasan ng lahat?

SARILING KALIGTASAN LANG BA O KALIGTASAN NG LAHAT?

kapag minamaneho mo ba ang isang sasakyan
ang naiisip mo lang ba'y ang iyong kaligtasan
di ba't iniisip mo rin ang ibang nakalulan
kapamilya, kapuso, di-kakilala, sinuman

pag nagkasunog, nauuna tayo sa bumbero
sa pagkuha ng tubig, aba'y tulong-tulong tayo
at di mo lang sariling bahay ang ililigtas mo
kundi bahay ng kapwa mong di mo kaanu-ano

tulad mo, bilang mamamayan, anong nasa diwa
sariling kaligtasan lang ba't iba'y balewala?
pag sinakop na ba ng Tsina'y mangingibang-bansa?
o sama-sama tayong lalaban upang lumaya?

mahirap magpabaya't isipin lang ang sarili
lalo't kapwa'y binabalewala, animo'y tigre
di ba't takot matuklaw ng ahas ang mga bibi
huwag patulog-tulog baka masila ng bwitre

walang mawawala sa pakikipagkapwa-tao
ngunit di tayo payag apak-apakan lang tayo
sama-sama nating ipagtanggol ang bansang ito
ito ang tahanan natin, tirahan nati'y dito

- gregbituinjr.

Martes, Mayo 7, 2019

Sapat lang ang dapat kainin

sa salu-salo, pag kumuha ako ng pagkain
alam kong sapat na iyon sa aking kakainin
kaya pag binigyan mo ako ng dagdag na ulam
batid ko nang sasakit ang sikmura ko't kakalam
dapat alam natin kung anong sapat sa sarili
upang di lumabis at katawan ay mapabuti
ulam man ay letsong kawali, isda, o bulanglang
mahirap mabundat at kinain ay isuka lang

- gregbituinjr.

Linggo, Mayo 5, 2019

Ilang hinaing

ayos lang akong isang tibak na pulubi
di makapag-ulam ng hipon kundi hibi
lumilipad kung saan tulad ng tutubi
sosyalismo'y hinahasik sa tabi-tabi

ngunit wala nang matanggap, di mabayaran
ang anumang alawans na pinag-usapan
hanggang ngayon, hinihintay ni misis iyan
subalit ako'y walang maibigay man lang

napag-usapan ba'y malayo nang matupad
mananatili lang bang sa kalsada'y hubad
silang nangako'y may isip na lumilipad
di maibigay ang kakarampot na hangad

nag-asawa pa kasi ang alilang tibak
walang mahukay na anuman sa pinitak
dati, ayos lang akong gumapang sa lusak
ngunit di ngayong may ibang mapapahamak

- gregbituinjr.

Ilampaso ang kandidatong maka-Intsik

ILAMPASO ANG KANDIDATONG MAKA-INTSIK

di ba't mahalagang sa bayan tayo'y naglilingkod
upang laya ng bayan ay matiyak na matanod
di ba't sa pagsakop ng dayo'y di tayo luluhod
di rin payag sa sariling bayan tayo'y ingudngod

pag nanalo ang mga kandidatong maka-Intsik
kontrolado nang tiyak ng pangulong mabalasik
ang Senado't Kongreso, kaysaya ng mga lintik
sa Tsina nga'y naglalaway na sila't nasasabik

kaya huwag payagang manalo ang mga ulol
ang bansa'y isinisilid na nila sa ataul
dapat ipakita na ang malawakang pagtutol
huwag silang iboto't bayan nati'y ipagtanggol

ibagsak lahat ng maka-Intsik na kandidato
huwag iboto ang partido ng mga sanggano
ang bayang malaya'y huwag ipasakop sa Tsino
kaya kandidato nila'y ilampaso ng todo

- gregbituinjr.Ilampaso ang kandidatong maka-Intsik

Sabado, Mayo 4, 2019

Sana'y dumating na ang araw ng sagupaan

SANA'Y DUMATING NA ANG ARAW NG SAGUPAAN

sinanay upang maging handa sa mga labanan
inaral kung paano ipansalag ang kampilan
sinanay sa buhay ng kahirapa't kagutuman
at matiisin daw kaming aktibistang Spartan

kung walang pera, aba'y maglakad papuntang pulong
kung walang pagkain, aba'y magtiis ka sa tutong
kung walang alawans, sanay namang gumulong-gulong
kung walang pang-ulam, mamitas na lang ng kangkong

matiisin daw kaya madaling balewalain
tingin sa amin ay maglulupa't sundalong kanin
kami'y utusan lang na madali lang alipinin
dahil pawang kumunoy ang nilalakaran namin

matagal na kaming naghanda sa pakikidigma
matagal na kaming nagtiis sa gutom at sumpa
kailan mag-aalsa ang hukbong mapagpalaya
sana'y dumating na ang araw ng pagsasagupa

kaming mga aktibistang Spartan ay narito
nagtitiis para sa pangarap na pagbabago
handa ang gulugod, ang puso, ang kris, ang prinsipyo
handang sumagupa sa sepyenteng may tatlong ulo

- gregbituinjr.

Pagbabalik sa buhay-Spartan

PAGBABALIK SA BUHAY-SPARTAN

pag nawala si Misis ng ilang araw o linggo
sa buhay-Spartan ay muling bumabalik ako
bilang mandirigmang sumasagupa sa delubyo
na mga kalaban ay pagugulungin ang ulo

kailangang umuwi ni Misis sa lalawigan
upang doon gampanan ang tungkulin sa halalan
ako namang naririto sa lungsod maiiwan
dahil nasa Maynila ang aking pagbobotohan

tila ba langay-langayan sa dagat ng siphayo
tila sinisipat ang pinupuntiryang kaylayo
tila apo ni Leonidas, dugo'y kumukulo
tila handa sa laban, mabasag man yaong bungo

ako'y aktibistang Spartan, dugong mandirigma
kayang mabuhay saanman, kahit salapi'y wala
nakikibakang palaging nakatapak sa lupa
tangan ang kaluban, handang bunutin ang kampilan

at pag umuwi na si Misis sa aming tahanan
magkakakulay muli ang nangitim kong kawalan
mabubuhay muli ang pugad ng pagmamahalan
at muli ay makadarama ng kapayapaan

- gregbituinjr.

Biyernes, Mayo 3, 2019

Kwentong cabbage at ang Wikang Filipino

KWENTONG CABBAGE AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Inaamin ko, hindi ko kabisado ang ilang katawagan sa wkang Ingles. Ito marahil ay dahil wala ako sa Britanya o sa Amerika. Nasa Pilipinas ako na gamit ang sariling wika. Wikang tila binabalewala ng iba dahil mas nais pa nilang gamitin ang wikang Ingles, o wikang dayuhan, kahit may katumbas naman sa sariling wika.

Matagal nang nangyari ang kwentong ito, na nais kong balikan ngayon. Minsan, sa isang pulong, pinabili ako ng isang kasama, na mula sa ibang lalawigan, dahil kulang ng sahog ang kanyang iluluto. Nagpabili siya ng cabbage, akala ko imported na gulay. Para bang Baguio beans na nagmula sa Baguio o French beans na galing sa France o tanim ng mga Pranses, kaya ganoon ang tawag. Cabbage. Kasintunog ng pangalan ng matematikong si Charles Babbage.

Kaya sa palengke ay nagtanung-tanong ako ng cabbage. Kahit kaharap ko na ang iba pang gulay tulad ng okra, talong, talbos ng kamote, repolyo, kamatis, bawang, puso ng saging, at marami pang iba. Paikot-ikot ako sa palengke. Hanggang sa tanungin ako ng isang tindera. "Ano pong hanap nyo?" Sagot ko, "Cabbage po." Tanong niya, "Ilan po bang cabbage?" habang hawak ang repolyo.

Tangna! Repolyo lang pala iyon! Nakita ko na kanina pa ang repolyo, kasama ng singkamas, talong, sigarilyas at mani, sitaw, bataw, patani. Kaya nang bumalik ako sa pulong, sinabihan ko yung nagpabili, "Repolyo lang pala ang pinabibili mo, pinahirapan mo pa ako. Pa-cabbage-cabbage ka pa! Sana, sinabi mong repolyo ang pinabibili mo." Pilipino naman ang kausap ko, na pinagbigyan ko sa hiling niyang pakibili.

Isa pang kwento, na malaki ang agwat ng panahon sa unang kwento. Pinabili ako ng squash. Hindi ko rin alam kung ano iyon. Baka mapahiya muli ako sa aking sarili. Kaya dali-dali kong tiningnan sa diksyunaryo. Tangna muli! Kalabasa lang pala. Ang problema, ini-Ingles pa kasi.

Naalala ko lang uli ang kwentong itong nangyari mahigit dalawang dekada na ang nakararaan. Dahil paalis si Misis pauwi sa kanila upang doon bumoto. Ibinilin niya sa akin ang laman ng ref, na mga gulay na pwede kong kainin habang nasa lalawigan siya. Ayon sa kanya, "Mayroong cucumber, egg plant, at french beans sa ref". Yaong dalawa, mukhang imported na gulay dahil Ingles, habang ang egg plant, na talong, ay madali kong naunawaan. Iyon pala, pipino ang cucumber at yung french beans ay kibal o malinggit na sitaw. Yaong sitaw naman ay string beans sa Ingles.

Bakit hindi natin salitain ang sarili nating salita, hindi yung pa-Ingles-Ingles pa. Talong lang, sasabihin pang eggplant. Nasa ibang bansa ba tayo? Pipino lang, sasabihin pang cucumber. Repolyo, sasabihin pang cabbage! Mababang uri na ba ng tao ang nagsasalita ng wikang Filipino? Wikang bakya ba ang wikang Filipino? Wikang pangkatulong lang ba o wikang alipin ang wikang Filipino?

Ang problema sa ating bansa, dahil sa impluwensya ng mga Kano, mahilig inglesin ang mga katawagan, habang hindi ginagamit ang ating mga taal na salita. Kaya nagkakaroon ng kalituhan. Kailangan ko yatang bumalik sa Grade 4 upang matuto muling mag-Ingles, at maulit ang karanasan ko noong Grade 4 kami. Bawal magsalita sa wikang Filipino, dahil pagbabayarin ka ng guro mo. May multa, ika nga. Noong panahong iyon ay malaki pa ang halaga ng piso. Pag pinabili nga ako ng dalawang pisong pandesal, dalawampu at malalaki ang laman.

Gaano nga ba natin pinahahalagahan ang ating sariling wika? Mismong sarili nating wika ay hindi natin alam. O ayaw nating alamin at gamitin. Malala na, grabe na itong nangyayari sa atin. Na-impluwensyahan ng mga konyo, na akala'y Ingles ang wika ng mayaman, ng sosyal, ng mga sikat na personalidad sa lipunan. At pag nagsalita ka ng wikang Filipino sa bansang Pilipinas ay mababa na ang uri mo.

Hindi mababa ang uri ng nagsasalita ng wikang Filipino. Ito ay wika natin sa ating bansa. Kaya sana ay pahalagahan natin. Huwag sana tayong mahirati sa wika ng dayuhan.

Miyerkules, Mayo 1, 2019

Tula sa Mayo Uno

TULA SA MAYO UNO

kapitbisig na nagmartsa ang mga manggagawa
tila di napapagod sa lakarang anong haba
habang isa'y humihiyaw ng: "uring manggagawa!"
at ang iba'y sasagot ng: "hukbong mapagpalaya!"

pinagdiriwang nila ang dakilang Mayo Uno
na sa kasaysaya'y punung-puno ng sakripisyo
habang taas-kamaong inaawit ng obrero
ang Internasyunal, kantang tagos sa pagkatao

makabagbag-damdaming awit sa dakilang araw
ng mga manggagawang may pag-asang tinatanaw
mababago rin nila ang lipunan balang araw
pag nawasak ang sistemang may tarak ng balaraw

wawakasan na nila ang pribadong pag-aari
pagkat dahilan ng pagsulpot ng maraming uri
na dulot ay pagsasamantala't pagkukunwari;
nais nilang lipunang manggagawa'y ipagwagi

- gregbituinjr.