maalinsangan ang paligid gayong nagbabanta
ang matinding unos na mananalasa sa madla
mabanas ang pakiramdam, payapa pa ang lupa
sa ulat nga'y kaybilis ng bagyo, dapat maghanda
ngayong madaling araw, ang paligid pa'y tahimik
di basa ang lansangan, wala pang ulang tikatik
sasalubong sa undas ang unos na anong bagsik
at maraming biyahero'y tiyak magsisitirik
maalinsangan, hinubad ko ang pang-itaas
inunan ang malaking librong may binubulalas
wala sanang tulo, at ang atip sana'y di butas
pinihit ang tsanel, walang kursunadang palabas
muli kong ipinikit ang inaantok kong mata
upang muling mapanagimpan ang diwatang sinta
nasaan na ang hanap na panlipunang hustisya
may banta mang unos, nariyan ang bagong umaga
- gregoriovbituinjr.
alinsuwag - [Sinaunang Tagalog]: laban sa agos; tungo sa kataliwas na direksyon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 36
Sabado, Oktubre 31, 2020
Ang banta ng unos
Biyernes, Oktubre 30, 2020
Tapusin na natin ang laban
niyurakan ng sistemang bulok ang pagkatao
ng laksa-laksang dukha't masisipag na obrero
sa tokhang nga'y barya-barya lang ang buhay ng tao
itanong mo man sa kasalukuyan mong gobyerno
wala nang prose-proseso ng batas ang ginawa
na naging patakaran na ng pinunong kuhila
kung sino ang suspek ay basta na lang bubulagta
kung sinong mapaghinalaan ay tutumbang bigla
tama ba ang ganitong walang proseso ng batas
alam mong panuntunang iyan ay tadtad ng dahas
pinaglaruan ang batas upang magmukhang butas
karapatan na'y balewala't kayraming inutas
dapat dinggin ng bayan ang hibik ng aping masa
at usigin ang mapang-api't mapagsamantala
dapat palitan ng bayan ang bulok na sistema
dukha'y magkapitbisig tungong ganap na pag-asa
ah, di pa tapos ang laban, di pa tapos ang laban
upang panlipunang hustisya'y makamit ng bayan
huwag hayaang "hustisya'y para lang sa mayaman"
tapusin natin ang laban, baguhin ang lipunan
- gregoriovbituinjr.
Mula Smokey Mountain hanggang Happy Land
Huwebes, Oktubre 29, 2020
Sa ika-27 anibersaryo ng SANLAKAS
Sa ika-27 anibersaryo ng SANLAKAS
pagbati sa anibersaryong pandal'wampu't pito
ng ating party list na Sanlakas, mabuhay kayo!
tunay na lingkod ng mamamayan, ng simpleng tao
lalo't tinataguyod ay lipunang makatao
dalawampu't pitong taon na ang nakalilipas
nang magkaisa ang masa't tinayo ang Sanlakas
dalawang dekadang higit nilabanan ang dahas
upang lipunang ito'y maging patas at parehas
kahit nitong kwarantina'y nagbigay ng pag-asa
sa abot ng kaya'y nagbigay ng tulong sa masa
sa iba't ibang isyu ng bayan ay nakibaka
upang tuluyang mabago ang bulok na sistema
narito lang kami, taas-kamaong nagpupugay
sa Sanlakas dahil sa pakikibaka n'yong tunay
narito tayo, kapitbisig, susulong na taglay
ang pagkakaisa ng bayang may adhikang lantay
- gregoriovbituinjr.
10.29.2020
Ilang tanaga
Miyerkules, Oktubre 28, 2020
Ang inidoro ng ginhawa
Walang kumot sa pagtulog
Martes, Oktubre 27, 2020
Ang bago kong gunting na pangekobrik
Lunes, Oktubre 26, 2020
Sibaka't TaKam sa agahan
Linggo, Oktubre 25, 2020
Dinig ko rin ang pagbuhos ng malakas na ulan
Sabado, Oktubre 24, 2020
Kung sakaling ako ang tulang may sukat at tugma
Biyernes, Oktubre 23, 2020
Nilalabanan natin ang mga hunyango't tuso
Huwebes, Oktubre 22, 2020
Nilulupig ng mga hunyango ang laksang bansa
Miyerkules, Oktubre 21, 2020
Tuluyan ko nang tinapos ang aking quarantine look
Martes, Oktubre 20, 2020
Pagpalaot sa kabila ng bagyo
Ako'y tibak
Pagninilay sa aking lungga
Ang karatula sa dyip
Gaano nga ba kahalaga ang puno?
Lunes, Oktubre 19, 2020
Ang gawain kong pagsasalin
365 basong karton kada taon
Ang pangkat ng Alno (PSA)
Linggo, Oktubre 18, 2020
Ilang hibik
Pagsalansan ng salita
Ang kaibhan ng poetry at poem
Sabado, Oktubre 17, 2020
Huwag iwan sa isang bulsa ang selpon at pera
aba ito'y napagtanto ko lang kani-kanina
paghugot ko ng selpon ang mga pera'y sumama
agad ko namang nakita kundi ito'y wala na
buti't sa gilid ng bangketa ako napaupo
nang binunot ko ang selpon na tila hapong-hapo
upang i-text si misis upang kami'y magkatagpo
at nakita nga ang pera nang biglang mapatungo
nasa isip kasi'y ang pariralang kinakatha
di namalayang pera sa bulsa'y muntik mawala
paano kung may tumawag at naglalakad na nga
nalaglag na ang pera't nakakuha'y tuwang-tuwa
sadyang nakapanghihinayang kung magkakagayon
pasya ko'y ihiwalay ng bulsa ang pera't selpon
marahil ito na'y isa sa tumpak kong desisyon
upang di ka naman mawalan ng pera paglaon
- gregoriovbituinjr.
Pagsusuot ng medyas kay misis
sinusuutan ko siya ng medyas at sapatos
tanda iyan ng pagmamahal, di pambubusabos
kusa kong ginawa, di man sinabi o inutos
oo, ganyan nga kung magtulungan kaming dalawa
lalo't siya ang may trabaho't may tangan ng pera
akong bahala sa gawaing bahay, paglalaba,
pagluluto, paglampaso, pagtapon ng basura
isa man akong dakilang lingkod sa aking misis
ayos lang lalo't malaki ang tiyan niyang buntis
baka pag nagsapatos siya, tiyan na'y umimpis
susuutan ko siyang kusa upang di mainis
ako ring magtatanggal ng sapatos niya't medyas
pag dumating na sa bahay pagkagaling sa labas
payak at kusangloob na pag-ibig ang katumbas
at di magmamaliw habang pinapanday ang bukas
- gregoriovbituinjr.