Linggo, Nobyembre 2, 2025

Luksong baka, luksong baboy

LUKSONG BAKA, LUKSONG BABOY

luksong baka / ang laro ng / kabataan
noong wala / pa ang pesbuk, / kainaman
laro nila / ng katoto / sa lansangan
larong ito / ba'y iyo pang /naabutan?

ngunit iba / ang laro ng / mga trapo
nilalaro'y / pagnanakaw / nitong pondo
ng kawawang / bansa, na di / na sekreto
binababoy / ng kurakot / ang bayan ko

luksong baboy / pala yaong / nilalarò
nitong lingkod / bayang tila / ba hunyangò
habang masa / sa ayuda / inuutô
ninakawan / sila'y di pa / natatantô

lumulukso / ang kawatan / pakunwari
may insersyon, / kickback, lagay / at paihi
kabang bayan / pala yaong / binuriki
bilyong pisong / nakaw, masa'y / dinuhagi

na kung di pa / nagbabaha / sa kalsada
di nabuking / na binaboy / ang sistema
O, bayan ko, / binabahâ / kang talaga
mga trapong / kurakot ay / ikulong na!

- gregoriovbituinjr
11.02.2025

* mga larawan mula sa google

Sabaw ng talbos ng kamote't okra

SABAW NG TALBOS NG KAMOTE'T OKRA

pinainit na ang tiyan nitong umaga
ininom ang mainit na sabaw ng okra
at talbos ng kamote, na di man malasa
ay tiyak na ito'y pampalakas talaga

nagising kasi kaninang madaling araw
sa labas ng bahay ay may nakitang ilaw
nagsindi palang kandila ang kapitbahay
na hanggang sa ngayon ako pa'y nagninilay

di pa makatulog gayong nais umidlip
mamaya, pagod kong mga mata'y pipikit
ipapahinga ang katawan, puso't isip
upang mga tula sa diwa'y iuukit

kailangang laging malusog ang katawan
laging isipin ang lagay ng kalusugan
kaya talbos ng kamote't okra'y mainam
na ulam pati sabaw nitong pang-agahan

- gregoriovbituinjr.
11.02.2025

Apat na kandila sa labas ng bahay

APAT NA KANDILA SA LABAS NG BAHAY

madaling araw, naihi ako
nang makita sa labas ng bahay
may nakasinding kandilâ, naku
salamat sa sinumang nag-alay

agad kong nilitratuhan iyon
kasama yaong dalawang pusà
salamat po sa nagsindi niyon
alay sa kabiyak kong nawalâ 

kapuso't kapamilyang namatay
ngayong All Souls Day, inaalala
si Dad, sina Kokway, Libay, Nanay
Sofia, nagunita talaga

matapos tulang ito'y kathain
ako'y pipikit na't maiidlip
at mamaya ay muling gigising
na matiwasay ang puso't isip

- gregoriovbituinjr.
11.02.2025

Sabado, Nobyembre 1, 2025

Unang araw ng Nobyembre, 2025

UNANG ARAW NG NOBYEMBRE, 2025

ngayon ang Unang Araw ng Nobyembre
inyo bang ramdam kung may nangyayari?
wala pang nakukulong na salbahe
kurap at tusong pulitiko, GRABE!

'ghost' flood control project ng mga imbi
magmumulto pa ba hanggang Disyembre?
nagtatakipan ba ang mga guilty?
sa ganyan, anong iyong masasabi?

para sa akin, ikulong na iyang
mga kurakot sa pondo ng bayan
baka bumaha muli sa lansangan
ang galit na galit na sambayanan

buti may due process ang mga kupal
pag dukha, kulong agad, di matagal
kung mangyari ang Indonesia't Nepal
dahil iyan sa hustisyang kaybagal

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Ang emoji, nagsasaya o nagtatawa?

ANG EMOJI, MASAYA O NAGTATAWA?

maselan ang isyu subalit tingnan ang emoji
parang pinagtatawanan ang mga namatayan 
na pamilyang tinokhang, nakatawa ang emoji
"buti nga sa kanila", tila pinagsisigawan

ganyan nilang estilo'y sadyang nakababahalà
nagsasaya nga ba sila o sila'y nagtatawa?
buti pa ang hinlalaki at pusò pagkat tandâ
nito'y batid mo, di tulad ng emoji na HA-HA

maselang isyu, emoji mo'y HA-HA, ano iyan?
parang gustong-gusto nilang pinapaslang ang tao
para bang uhaw sa dugô, wala sa katinuan
gayong editoryal ay isang mahalagang isyu

walang due process, tao'y pinaslang na tila baboy
ang nag-atas ng pagpaslang ngayon na'y nakapiit
habang mga kaanak ngayong Undas nananaghoy
na sana asam na hustisya'y kanilang makamit

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Pagsasalin

PAGSASALIN

noong nakaburol si ama, ako'y nagsasalin
o translasyon mula Ingles hanggang sa wika natin
naospital at namatay si misis, nagsasalin
ngayong Undas, mayroon ding tinatapos na salin

anupa't pagsasalin na'y akibat na trabaho
ng inyong lingkod, bahagi na niring pagkatao
trabahong maselan, konsentrasyon talaga ito
lalo't isinasalin ay libro o dokumento

pagsasalin na'y ginagawang buong katapatan
sa ganyang larangan nakilala ang kakayahan
ekstrang trabaho ng pultaym na tibak na Spartan
bukod pa sa gawaing magsulat sa pahayagan

kung kumita ng konti, upang mabuhay na'y sapat
subalit sa utang ay di magkakasyang pambayad
sa tiwalà, ako'y lubos na nagpapasalamat
kahit Undas, ang matapos ang salin yaring hangad

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Paggunitâ

PAGGUNITÂ

nasa pangangalagà na ni Bathalà
silang mga mahal nating namayapà
pinapanatag ng gayong paniwalà
yaring pusò sa kanilang pagkawalâ

kaya ngayong Undas ay alalahanin
ang bawat pag-ibig na dinanas natin
mula sa mahal na nawalâ sa piling
mga tinig na ibinulong ng hangin

alaalang nakaimbak sa isipan
habang anghel ay nagsisipag-awitan
tulad ng mga ibon sa kaparangan
tulad din ng pagbigkas sa panulaan

naaalala sa naiwang litrato
na tila buhày pag pakatitigan mo
silang bahagi nitong búhay sa mundo
tuwing Undas ay gunitaing totoo

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Bakas ng kahapon

BAKAS NG KAHAPON

narito't naiwan pa ang bakas
ng nakaraan, ng nakalipas
tulad ng kaalaman ng pantas
kung ano ang kakaharaping bukas

sa bakas man ay may tubig-bahâ
dahil sa mga tiwaling sadyâ
na mga kurakot na kuhilà
kayâ ang bayan ay lumuluhà

hanggang ngayon aking naninilay
di basta magpatuloy sa buhay
na sarili lang isiping tunay
kumilos pag di na mapalagay

maging bahagi ng kasaysayan
at mag-iwan ng bakas sa daan
na sa buhay na ito ay minsan
para sa hustisya'y nakilaban

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Biyernes, Oktubre 31, 2025

Black Friday Protest, PPM and Edsa Shrine, 10.31.2025

Black Friday Protest, PPM and Edsa Shrine, 10.31.2025

huling araw na ng Oktubre
bukas ay buwan na ng Nobyembre
aba'y wala pa ring nakukulong
na TONGresista at senaTONG

Ikulong na lahat ng mandarambong!

- gregoriovituinjr.
10.31.2025






Black Friday Protest, PPM and Edsa Shrine, 10.31.2025

Pandesal sa bukangliwayway

PANDESAL SA BUKANGLIWAYWAY

naalimpungatan / ng madaling araw
ayaw pang bumangon, / ramdam pa ang ginaw
tila ba nasilaw / nang buksan ang ilaw
bumangon nang merong / ideyang lumitaw

agad isinulat / sa aking kwaderno
ang mga ideya't / samutsaring isyu
mag-uumaga na, / lumabas na ako
bumiling pandesal / doon sa may kanto

habang kayrami pa / akong naninilay
na ang puso't diwa'y / di pa mapalagay
buti't may pandesal / sa bukangliwayway
nakabubusog din / bagamat may lumbay

adhika ko sanang / tula'y isaaklat
bagamat kayraming / tulang bumabanat
sa mga kurakot / na aking nilapat
sa tula na mithi'y / maglinis ng kalat

kalat ng kurakot, / silang mandarambong
sa pondo ng bayan, / TONGraktor, senaTONG
dapat lamang silang / ikulong! IKULONG!
hustisya sa bayan / ba'y saan hahantong?

- gregoriovbituinjr.
10.31.2025

Pag-alala

PAG-ALALA

inaalala kita
O, aking sinisinta
sa puso'y lalagi ka
saan pa man pumunta

pag puso ko'y pumintig
batid kong nakatitig
ka sa akin, pag-ibig
nati'y di malulupig

pagsinta'y laging bitbit
na sa puso'y naukit
ngalan mong anong rikit
ang sinasambit-sambit

sa mga tulang tulay
ko sa iyo't inalay
sa kabila ng lumbay
lagi kang naninilay

- gregoriovbituinjr.
10.31.2025

Huwebes, Oktubre 30, 2025

Payak na hapunan ng tibak na Spartan

PAYAK NA HAPUNAN NG TIBAK NA SPARTAN

sibuyas, kamatis at bawang pinagsama
habang tuyong hawot ay ipinirito pa
payak na hapunan ng tibak na Spartan
na nag-iisa na lang sa abang tahanan

nagsaing muna, sunod ay ang paglalaba
at naglinis din sa tinahanan ng sinta
nagkusot, nagbanlaw, labada'y pinigaan
niluto'y hawot pagkagaling sa sampayan

simpleng pamumuhay lang kasama ng masa
simpleng pagkain lang habang nakikibaka
simpleng tulâ lang ang alay sa santinakpan
simpleng buhay lang na handog sa sambayanan

tara, mga katoto, saluhan n'yo ako
sa payak mang hapunan ay magsalo-salo

- gregoriovbituinjr.
10.30.2025

Kandilà

KANDILÀ

nagpakita / ang kandilà / sa palengke
nagparamdam / kayâ agad / kong binili
tila sinta / sa akin ay / may mensahe
h'wag daw akong / sa lansangan / magpagabi

taospusong / pasalamat / yaring alay
nadama ko / ang pagsinta / niyang tunay
may trabaho / o sa bahay / nagninilay
tila ngiti / niya'y aking / nasisilay

mamaya nga'y / magsisindi / ng kandilà
paggunita / sa maagang / pagkawalâ
ng asawang / laging nasa / puso't diwà
hanggang ngayon / nariritong / nagluluksâ

ngayong undas, / pag-alala'y / mahalaga
ako'y balo / na't walâ nang / kaparehâ

- gregoriovbituinjr.
10 30.2025

Sa pagtulâ

SA PAGTULÂ

di ko dineklarang bawat araw may tulâ
bagamat iyon na ang aking ginagawâ
inilalarawan ang samutsaring paksâ
saya, rimarim, libog, luha, lupâ, luksâ

maralita, kabataan, vendor, obrero
kababaihan, batà, magbubukid, tayo
pagtulâ na kasi'y pinakapahinga ko
mula tambak na gawain, laksang trabaho

tulâ ng tulâ, sulat ng sulat ng sulat
nagbabakasakaling ang masa'y mamulat
kumilos laban sa mga nangungulimbat
ng pondo ng bayan, mga korap na bundat

ako'y tutulâ ng nasa diwa't damdamin
tula'y tulay sa pagtulong sa bayan natin

- gregoriovbituinjr.
10.30.2025

Pagkawalâ

PAGKAWALÂ

ngayong nawalan na / ako ng asawa
sinong mag-uulat / na ako'y nawalâ
dinukot ninuman / dahil aktibista
ika ni Gat Andres, / walâ na ngâ, walâ

tuloy pa rin ako / sa bawat pagkilos
nang masa'y mamulat / sa prinsipyong yakap
upang manggagawà / at kapwa hikahos
ay magsikilos na't / makulong ang korap

mahahalata mo / pag winalâ ako
pag tulang tulay ko'y / di na natunghayan
sa umaga't gabi / ng mga katoto
oo, tanging tulâ / ang palatandaan

may habeas corpus / nang ako'y mahanap
o kung di na buhay, / makita ang bangkay
bigyan ng marangal / na libing, pangarap 
kong tulang kinatha'y / inyo pang matunghay

- gregoriovbituinjr.
10.30.2025

Miyerkules, Oktubre 29, 2025

Due process

DUE PROCESS

"At ang hustisya ay para lang sa mayaman..."
- mula sa awiting Tatsulok ng Buklod

buti ang mayaman, may due process
kahit ang ninakaw na'y bilyones
pag mahirap, nagnakaw ng mamon
dahil anak umiyak sa gutom
walang nang due process, agad kulong

- gregoriovbituinjr.
10.29.2025

* mapapanood ang pagbigkas ng tula sa kawing na: 

Panunuyò at panunuyô

PANUNUYÒ AT PANUNUYÔ

noon, kasal na kami, patuloy akong nanunuyò
ngayon, wala na siya, lalamunan ko'y nanunuyô
ganoon ako magmahal, madalas ang panunuyò
nagtatrabaho, likod ay madalas ang panunuyô

habang siya'y nasa gunita, puso ko't kalooban
tandaang kumain ng gulay, bitamina't mineral
magdala ng damit pampalit sakaling mapawisan
maging malusog upang sa laban ay makatatagal

tingni ang kudlit na nilapat sa taas ng salitâ
upang mabatid ang tamang bigkas ay ano talaga
upang malaman ang kahulugan ng mga katagâ
na ang PANUNUYÒ at PANUNUYÔ nga'y magkaiba

suriin, salitang ugat ng panunuyò ay suyò
ang salitang ugat naman ng panunuyô ay tuyô
madaling maunawaan kahit ka nasisiphayò
tulad ng kaibhan sa bigkas ng berdugo at dugô

- gregoriovbituinjr.
10.29.2025

Ang babae sa Thrilla in Manila

ANG BABAE SA THRILLA IN MANILA

kaytagal na ng Thrilla in Manila
nagdaa'y limang dekada na pala
kinder ako nang mabalita sila
tanda ko pa paglabas ng eskwela
binalitang si Ali'y nanalo na

ngayong taon, sa Ali Mall nakita
ang diorama ng labanan nila
at sa gitna'y tila may cheerleader pa
ang kanyang ngiti'y kahali-halina
round girl kayâ ang naturang dalaga?

minsan, ginagawa nating masaya
ang iba't ibang bagay na nakita
labang ito'y inabot kaya niya?
o iiling ang dilag na bata pa?
na ngiti'y kaakit-akit talaga!

- gregoriovbituinjr.
10.29.2025

Martes, Oktubre 28, 2025

Buwaya at buwitre

BUWAYA AT BUWITRE

di ako mapakali
sa mga nangyayari
buwaya at buwitre
pondo ang inatake

kawawa ang bayan ko
sa mga tusong trapo
ninanakaw na'y pondo
tayo na'y niloloko

sadyang kasumpa-sumpà
ang pinaggagagawâ
ng mga walanghiyâ
kayâ galit ang madlâ 

pinagsamantalahan
nila ang taumbayan
sila pang lingkod bayan
yaong mga kawatan

pangil nila'y putulin
kuko nila'y tanggalin
sistema nila'y kitlin
kahayupa'y katayin

tangi kong masasabi
ang punta ko'y sa rali
magpoprotesta kami
laban sa mga imbi

- gregoriovbituinjr.
10.28.2025

* litrato kuha sa baba ng Edsa Shrine, 10.24.2025

Sa bawat pagmu(muning) ginagawa

SA BAWAT PAGMU(MUNING) GINAGAWA

madalas nagmumuni kasama si Muning
pagmu(Muning) madalas gawin, tila himbing
nakapikit lang subalit ang diwa'y gising
nakatalungkô ngunit di nakagupiling

nagmumuni-muning tila nananaginip
samutsaring problema't isyu'y nalilirip
pangarap ay pag-asang walang kahulillip
nang bayang niloloko ng trapo'y masagip

mabuti't si Muning, ako'y di nakakalmot
habang kalmot ng kalmot ang mga kurakot
sa kaban ng bayan, di iyon malilimot
ng bayang binabahâ, dapat may managot

tulâ ang nililikha pagkat tula'y tulay
sa taumbayang talagang di mapalagay
kasama ko'y si Muning na alagang tunay
nasa bahay matapos sa labas tumambay

- gregoriovbituinjr.
10.28.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/2053436362070633

Ang punò at ang dukhâ

ANG PUNÒ AT ANG DUKHÂ

putulin mo ang punò, may nananahang luluhà
paruparo, ibon, inakay na inaarugâ
tanggalan mo ng bahay, luluhà ang maralitâ
magulang, magkapatid, may tahanang mawawalâ

puno'y may ugat, sanga, bunga, dahong malalagô
sibakin mo't kalikasan ay tiyak manlulumò
bahay ay may ina, ama, anak, pamilyang buô
tanggalan mo ng bahay, baka dumanak ang dugô

pag nawalâ ang punò, babahain kahit bundok
tiyak guguho ang mga lupang magiging gabok
pag nawalan ng bahay, di iyon isang pagsubok
kundi ginipit ng mga mapaniil at hayok

ang punò at ang dukha'y para bagang magkapilas
na bahagi ng kalikasang iisa ang landas
idemolis mo't may dadanak na dugô at katas
kaya dapat asamin natin ay lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
10.28.2025

Klima at korapsyon

KLIMA AT KORAPSYON

gusto ko talaga ang panahong
di ako nagdadala ng payong
kundi sumbrero ang pananggalang
sa kainitang nakadadarang

ngunit nagbabago na ang klima 
ang panahon ay di na matimpla
salà sa init, salà sa lamig
tag-init ngunit nangangaligkig

damang-dama ang katotohanang
di pala climate change ang dahilan
ng pagbaha kundi ghost flood control
bulsa ng kurakot nga'y bumukol

naglipana'y buwaya't buwitre
pondo ng bayan ang inatake
ang krimen nila'y nakamumuhi
salbaheng kay-iitim ng budhi

kongresong punô ng mandarambong
senadong kayraming mangongotong
mayaman nating bansa'y naghirap
pagkat namumuno'y mga korap 

- gregoriovbituinjr.
10.28.2025

Lunes, Oktubre 27, 2025

Habang lulan ng traysikel

HABANG LULAN NG TRAYSIKEL

nagninilay / habang lulan / ng traysikel
hinahabol / daw ako ng / tatlong anghel
ibalik ko / ang hiram na / gintong pitsel
papalitan / daw ng isang / gintong pinsel

nagkamali / lang daw sila / ng padala
dahil ako'y / nagsusulat / pinsel pala
katoto ko'y / may natanggap / na lamesa
habang isang / kaibigan / ay may silya

sa traysikel / may babalang / h'wag umutot
'kako naman / ikulong na / ang kurakot
Tongresman man, / senaTONG man, / mga buktot
dapat sila'y / di talaga / makalusot 

ito'y aking / layon, sadya / kong gagawin
ang magsulat / ng totoo't / tuligsain
ang gahamang / dinastiya't / mga sakim
yaong isip / na tulog pa / ay pukawin

- gregoriovbituinjr.
10.27.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/2210334546109737

Pakikinig ng dulâ sa radyo

PAKIKINIG NG DULÂ SA RADYO

buti't walang telebisyon sa bahay
nakasusulat ng mga palagay
nakikinig sa radyo, nagninilay
kumakatha ng tulang aking tulay

pinakikinggan ko'y dulâ sa radyo
mula bata hanggang tumanda ako
kakayahan ko'y lumagong totoo
paano isulat ang naisip ko

Simatar, Gabi ng Lagim, Prinsipe
Abante, Balintataw, Guniguni
nakikinig sa radyo araw-gabi
diwa'y nakikiliting di masabi

pasasalamat sa radyo talaga
ulat ay nababatid kong maaga
lalo na sa pakikinig ng drama
binubunga'y samutsaring ideya

- gregoriovbituinjr.
10.27.2025

* bidyo kuha ng makatang gala mula sa episode ng Dear Love sa Love Radio (90.7 FM) hinggil sa Incubus
* mapapanood ang bidyo sa kawing na https://www.facebook.com/reel/1364254485093922 
* Incubus - a male demon in human form in folklore that seeks to have a sexual intercourse with sleeping women (wikipedia)

Nasaan na si Mang Nilo?

NASAAN NA SI MANG NILO?

kaytagal ko nang binabasa si Mang Nilo
sa komiks niyang Bugoy sa isang diyaryo
napansin ko na lang nawala ngang totoo
ang Bugoy sa Pang-Masa, nalulungkot ako

sinesante ba siya sa kanyang patawa?
sa ibang diyaryo ba'y lumipat na siya?
di makagampan ng trabaho't maysakit na?
o namatay na ba ang idolo ng masa?

walang balita, saan ka man naroroon
nawa'y maayos ang kalagayan mo roon
patuloy sa patawa pagkat iyong misyon
na pagaanin ang buhay ng masa ngayon

salamat, Mang Nilo, at sa komiks mong Bugoy
sumaya kami sa likha mong tuloy-tuloy
mga patawa mo'y walang paligoy-ligoy
na pag aming binasa'y talagang may latoy

- gregoriovbituinjr.
10.27.2025

* litrato mulâ sa pahayagang Pang-Masa, p.7, isyu ng Agosto 25, Setyembre 3, Oktubre 5, at Oktubre 25, 2025

Linggo, Oktubre 26, 2025

Palakad-lakad

PALAKAD-LAKAD

ay, palakad-lakad pa rin ako
parang Samwel Bilibit na Hudyo
o sa Ingles ay The Wandering Jew
ngunit ako'y maka-Palestino

kayraming isyu ang nakikita
sa rali'y lumalahok tuwina
ang sigaw ng madla'y nadarama
kurakutan, sobra na, tama na!

tuloy-tuloy lang sa paglalakad
lipunang makatao ang hangad
at ang tatsulok ay mabaligtad
lalo't karukhaa'y nakatambad

maraming nakasulat sa pader
na panawagan sa nasa poder
sobra na, tama na ang pag-marder
sa demokrasya ng mga Hit-ler!

"Sahod Itaas! Presyo Ibaba!"
"Ikulong ang Kurakot sa bansa!"
"Panagutin ang mga Kuhila!"
sigaw na huwag ibalewala

- gregoriovbituinjr.
10.26.2025

* litrato kuha sa Commonwealth Ave., Lungsod Quezon, Oktubre 15, 2025

Ginisang sardinas na may malunggay


GINISANG SARDINAS NA MAY MALUNGGAY

may dalawang sanga ng malunggay
at may isang lata ng sardinas
tiyak na namang ako'y didighay
muling gaganahan at lalakas

may kamatis, bawang at sibuyas
nilagay ang kawali sa kalan
sabaw ay unab o hugas-bigas
kalan ay akin nang sinindihan

nilagyan ng kaunting mantikà
sibuyas at bawang na'y ginisa
pati kamatis at sardinas ngâ
unab, malunggay, pinaghalo na

tara, katoto, saluhan ako
tiyak, masasarapan ka rito

- gregoriovbituinjr.
10.26.2025

Sa kagubatan ng kalunsuran

SA KAGUBATAN NG KURAKUTAN

minsan, daga'y nagtanong sa leyon:
"Ano pong suliranin n'yo ngayon
baka lang po ako'y makatulong
buti't niligtas n'yo ako noon
sa buwaya, di ako nilamon."

anang leyon sa dagang lagalag:
"Kagubatan natin ay madawag
proyekto ng tao rito'y hungkag
parang flood control, di ka panatag
pondo'y ninakaw, batas nilabag."

"Anong panglaw ng kinabukasan
ng bayang tigib ng kurakutan
animo'y tinik sa kagubatan
iyang korapsyon sa kalunsuran
umuusok hanggang kalangitan"

"Parang ahas sa gubat na ito
kayraming buwaya sa Senado
kayraming buwitre sa Kongreso
nabundat ang dinastiya't trapo
kawawa ang karaniwang tao."

napatango na lamang ang dagâ
ngayon ay kanya nang naunawà
kung bakit kayraming mga dukhâ
sa lungsod niyang tinitingalâ
pasya n'ya'y manatili sa lunggâ

- gregoriovbituinjr.
10.26.2025

Sabado, Oktubre 25, 2025

Tanong: Magnanakaw; Sagot: Senador?

TANONG: MAGNANAKAW; SAGOT: SENADOR?

Tanong - Apat Pababa: Magnanakaw
pitong titik ang KAWATAN, SENADOR
anong sagot kayang tamang ilagay?
di naman pitong titik ang KONTRAKTOR

sa tindi ng garapalan sa badyet
pinatindi ng isyung ghost flood control
sagot dito'y maaaring masakit
ngunit bayan ay baka di tututol

magagalit ba ang mga senador?
sa aking sagot sa palaisipan?
o ang ituturo nila'y kontraktor?
sadyang kaysakit ng katotohanang:

di climate change ang dahilan ng bahâ
kundi kabang bayan ay kinurakot
ng mga trapong binoto ng madlâ
mga kawatang dapat lang managot

sa pondo ng flood control, sila'y paldo
Senador Kawatan, bundat na bundat
pati mga buwaya sa Kongreso
dapat mandarambong makulong lahat

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

* krosword mula sa Abante Tonite, Oktubre 25, 2025, p.7    

Itlog at okra sa inin-in

ITLOG AT OKRA SA ININ-IN

bago tuluyang main-in ang kanin
isinapaw ko ang apat na okra
at naglagay ng puwang sa inin-in
upang doon itlog ay lutuin pa

ang kawali'y di na kinailangan
upang mapagprituhan nitong itlog
okra'y in-in na ang pinaglagaan
sa hapunan ay kaysarap na handog

anong laking tipid pa sa hugasin
isapaw lang, aba'y ayos na ito
sa buhay na payak, may uulamin
pag sikmura'y kumalam na totoo

mga katoto, tarang maghapunan
ulam sana'y inyong pagpasensyahan

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

Ikulong na 'yang mga kurakot!

IKULONG NA 'YANG MGA KURAKOT!

sigaw ng masa'y di malilimot:
"Ikulong na 'yang mga kurakot!"
na kaban ng bayan ang hinuthot
ng buwaya't buwitreng balakyot

sa masa'y dapat silang matakot
galit na ang masa sa kurakot
katarungan sana'y di maudlot
kurakot sana'y di makalusot

kaylaking sala ng mga buktot
na lingkod bayang dapat managot
hustisya'y kanilang binaluktot
dapat talagang may mapanagot

TONGresista't senaTONG na buktot
silang mga naglagay ng ipot
sa ulo ng bayan na binalot
ng lagim nilang katakot-takot

kahayupang sa dibdib kaykirot
na gawa ng trapong mapag-imbot
paano ba natin malalagot
ang sistemang bulok at baluktot

parusahan ang lahat ng sangkot
ikulong silang mga balakyot
parusahan ang lahat ng buktot
IKULONG NA 'YANG MGA KURAKOT!

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

Thermopylae - sa tarangkahan ng apoy

THERMOPYLAE - SA TARANGKAHAN NG APOY

noon, nakipagdigmaan kami
sa tarangkahan ng apoy, sabi
nila'y iyon daw ang Thermopylae
doon buhay nami'y nakaugnay

kabilang ako sa tatlong daang
mandirigmang tawag ay Spartan
sa matinding labanan bumagsak
upang pasibulin ang pinitak

sa lupaing ayaw na isukò
sa kaaway, dumanak ma'y dugô
lumaban at hinawan ang landas
tungò sa isang malayang bukas

kami ang mandirigma ng apoy
muling lalaban kaysa managhoy
para sa kapakanan ng lahi
para sa kagalingan ng uri

sa makabago mang Thermopylae
Eurytus akong lalabang tunay
upang palayain itong bayan
sa mapagsamantalang iilan

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

* mapa ng Thermopylae mula sa google

Namili sa palengke

NAMILI SA PALENGKE

kaunti lang ang pinamili
ko sa kalapit na palengke
kahit gaano pa ka-busy

ay namalengke ang makatâ
payak lang ang inihahandâ
mas mahalaga'y ang pagkathâ

kaya meron nang ilulutò
nariya'y santumpok na tuyô
sibuyas, kamatis, nagtahô

sa daan, sa init kumanlong
tatlong taling okra, may talong
na santumpok, at sampung itlog

pakiramdam ko'y anong saya
at mamaya'y magluluto na
matapos maligo't maglaba

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

Pandesal, salabat at malunggay tea

PANDESAL, SALABAT AT MALUNGGAY TEA

payak lamang ang aking inalmusal
malunggay tea, salabat at pandesal
sa iwing resistensya'y pampatagal
sa takbuhan, di ka agad hihingal

ngunit mamaya, mahabang lakaran
tungo sa mahalagang dadaluhan
dapat may pampalakas ng katawan
at pampatibay ng puso't isipan

anupa't kaysarap magmuni-muni
pag nag-almusal, nagiging maliksi
ang kilos, susulat pang araw-gabi
ng akdang sa diwa'y di maiwaksi

tarang mag-almusal, mga katoto
pagpasensyahan lang kung konti ito

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

Biyernes, Oktubre 24, 2025

Tulâ na lang ang mayroon ako

TULÂ NA LANG ANG MAYROON AKO

tulâ na lang ang mayroon ako
hayaan n'yong iambag ko ito
para sa maralita't obrero
para sa buti ng bansa't mundo

huwag sanang hayaang mawalâ
ang aking kakayahang kumathâ
ang pagiging makatâ ng dukhâ
ang pag-ibig ko sa mutya't tulâ

ang mayroon ako'y tulâ na lang
hayaang masa ang makinabang
na parang mga tanim sa parang
na parang tanghalian sa dulang

tulâ mang sa plakard isinulat
upang maraming masa'y mamulat
taos akong nagpapasalamat
sa mga tumangkilik, sa lahat

- gregoriovbituinjr.
10.24.2025

* litrato kuha sa Edsa Shrine, 10.24.2025        

Ngayong Black Friday Protest



NGAYONG BLACK FRIDAY PROTEST

salamat sa lahat ng mga nakiisa
sa pagkilos kahit ako lamang mag-isa
may nakausap nga ako't ako'y ginisa
ngunit di natinag sa kanyang pang-iisa

ganyan kaming mga aktibistang Spartan
minsan, solong diskarte lang ang may katawan
mahalaga, misyon ay isakatuparan
tulad ng Black Friday Protest kanina lamang

mabuhay kayong lahat, O, mga kasama
magpatuloy pa tayo sa pakikibaka
at ating baguhin ang bulok na sistema
nang kamtin ng bayan ang asam na hustisya

- gregoriovbituinjr.
10.24.2025

* litrato kuha sa harap ng NHA, 10.24.2025

Ang plakard na patulâ

ANG PLAKARD NA PATULÂ

patula ang plakard ng makatâ
na sa rali bibitbiting sadyâ
pagsingil sa korap at kuhilà
narito't basahin ang talatà:

Oktubre'y matatapos nang ganap
Wala pang nakukulong na korap
Trapong kurakot at mapagpanggap
Sa bayan ay talagang pahirap

- gregorivbituinjr.
10.24.2025

* talata - kahulugan din ay saknong pag tulâ

Huwebes, Oktubre 23, 2025

Inumin ng tibak na Spartan

INUMIN NG TIBAK NA SPARTAN

tsaang bawang, luya at malunggay
ang kadalasan kong tinatagay
layon kong katawan ay tumibay
kalamnan ay palakasing tunay

lalo't araw-gabing nagninilay
nagsusulat ng kwento't sanaysay
titingala sa punong malabay
sa buhawi'y di nagpapatangay

kailangan sa mahabang lakbay
ay mga tuhod na matitibay
uminom ng katamtamang tagay
hanggang isipan ay mapalagay

pag pakiramdam mo'y nananamlay
inom agad ng tsaang malunggay
luya't bawang na nakabubuhay
aba'y agad sisigla kang tunay

- gregoriovbituinjr.
10.23.2025

Payabat at Arô

PAYABAT AT ARÔ

sa Anim Pababâ: Pangingitlog ng isdâ
at sa Labing-isa Pahalang: Munting bilog
ay, di ko batid ang gayong mga salitâ
tila baga kaylalim ng pananagalog

sinagot agad ang Pahalang at Pababâ 
hanggang lumabas na kung anong tamang tugon
PAYABAT pala ang pangingitlog ng isdâ
at ARÔ ang maliit na bilog na iyon

dagdag kaalaman sa wikang Filipino
na dapat kong itaguyod bilang makatâ
na nais kong ibahagi kahit kanino
upang mapaunlad pa ang sariling wikà

maraming salamat sa PAYABAT at ARÔ
mga katagang kay-ilap na tila gintô

- gregoriovbituinjr.
10.23.2025

* krosword mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Oktubre 23, 2025, p 10
* Payabat in English: Definition of the Tagalog word payabat 

Sa bayan ng mga kurakot

SA BAYAN NG MGA KURAKOT

nakilala ang bayan ng mga kurakot
dahil sa buwaya't buwitreng nanunulot
ng proyektong flood control na katakot-takot
ang bilyones na perang kanilang nahuthot

mga bata'y di makapasok sa eskwela
dahil dadaanan nila'y bahâ talaga
bahâ paglabas pa lang ng tahanan nila
bahâ pagpasok pa sa trabaho ni ama

ano nang nangyari sa proyektong flood control
na sana'y di binabahâ ang mga pipol
di sa flood control, sa pansarili ginugol
kabang bayan ay dinambong ng mga ulol

ang kakapal ng mukhâ ng mga kurakot
nagpayaman sa pwesto, kaban ay hinuthot
sa bilyones na ninakaw sila'y managot
dapat silang makulong at di makalusot

nagbabahâ pa rin sa maraming probinsya
at kalunsuran dahil sa ginawa nila
proyektong bilyon-bilyon ay naging bulâ na
sinagpang ng walang kabusugan talaga

napakinggan ng bayan ang mga kontrakTONG
sa harap ng TONGresista't mga senaTONG
inamin nilang sa badyet ay may insersyon
sigaw ng bayan: lahat ng sangkot, IKULONG!

- gregoriovbituinjr.
10.23.2025

* litrato kuha sa Luneta, Setyembre 21, 2025