Martes, Pebrero 16, 2021

Samutsaring muni

Samutsaring muni

minsan, di ko na madalumat
bakit ako nagkakasugat
di lang sa katawan o balat
kundi ang pusong nagkapilat

pinapasok ko man ang lungga
nitong mababangis na daga
dahil ang kapara ko'y pusa
na dadalaw sa minumutya

isasargo ko na ang bola
upang maipasok ang pula
bakasakaling makapasa
sa pagsusulit at balasa

kaharapin man ang pighati
sa pakikibaka'y lalagi
suliraning malaki't munti
malulutas di't di hihindi

pipitikin kita sa ilong
pag di mo nasagot ang tanong
kung pipitas ka man ng labong
ilutong kasama'y bagoong

- gregoriovbituinjr.

- litratong kuha ng makatang gala sa isang bangketa niyang dinaanan

Pag-ako, Pangako, Pagpako

Pag-ako, Pangako, Pagpako

laman ng dibdib ng pagsuyo
na huwag sanang masiphayo
upang puso'y di magdurugo
sakaling makata'y mabigo

mga hugis ay nakikita
animo'y namamalikmata
pagsasama'y tumagal sana
magsinta'y maging maligaya

bawat pangako'y inaako
upang tupdin ng buong puso
inaako bawat pangako
upang di tuluyang mapako

ako ba'y hangal sa pag-ibig?
dahil sa mutya'y kinikilig
nais ko siyang makaniig
at kulungin sa aking bisig

- gregoriovbituinjr.

- litratong kuha ng makatang gala sa isang pinta sa pader na kanya noong nadaanan

Lunes, Pebrero 15, 2021

Mga buto ng okra

Mga buto ng okra

paborito ko na ang okra mula pagkabata
kaya madalas sa almusal ko'y di mawawala
isasapaw sa sinaing, kaysarap namang sadya
nang magkapandemya, okra'y itinanim ko na nga

kayraming nawalan ng trabaho, pandemya'y lagim
pinalayas sa inupahan, nadama'y panimdim
kaya pinag-ukulang pansin ko na ang magtanim
upang may mapitas sa kalagayang takipsilim

buto ng okra'y hiniwalay sa katawan niyon
nang pinatuyo ko'y lumiit, gayon pala iyon
sa mga boteng naipon na dapat itatapon
yaong pinagtamnan ng buto sa buong maghapon

oo, magsasaka sa lungsod ang aking kapara
sa aspaltadong lungsod ako'y nagtanim-tanim na

- gregoriovbituinjr.

#urbanfarming #pagtatanimsalungsod #magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila #pagtatanimsaopisinasapasig

Mga binhi ng sili

Mga binhi ng sili

noon nga'y bumili pa ako ng binhi ng sili
kung saan sa tindahan ito pa'y nakapakete
itinanim ko sa plastik na paso't pinaparami
dahil sa pandemya, nagtanim-tanim na rin dine

dahil nananahan sa sementadong kalunsuran
kung saan walang malaking espasyong pagtatamnan
sa mga boteng plastik ng softdrink na walang laman
napiling magtanim, sansakong lupa'y bibilhin lang

ngayon, di na ako bumili ng nakapakete
ginamit na'y mga tuyo't napabayaang sili
kinuha ang binhi, tinanim, nagkaroong silbi
wala pang plastik na sa kalikasan ay salbahe

nang magkapandemya'y naging magsasaka sa lungsod
magtanim sa boteng plastik na'y itinataguyod
pag namunga'y may pakinabang at nakalulugod
bakasakaling maibenta sa munti mang kayod

- gregoriovbituinjr.

#urbanfarming #pagtatanimsalungsod #magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila #pagtatanimsaopisinasapasig

Ang payo

Ang payo

mag-ingat lagi sa mga gubat mong papasukin
anang isang kasama, pinayo niya sa akin
pag-oorganisa't propaganda'y iyong masterin
nang kayanin ang mga daratal na suliranin

tulad ng chess ay aralin mo ang pasikut-sikot
anong tamang sulong, anong basa mo't iyong sagot
ituring mong isang puzzle, at labanan ang takot
bagong sitwasyon, bagong sistema, masalimuot

gumapang man ang dahongpalay sa iyong katawan
mahulog man sa hukay o ikaw ay magulungan
maging listo sa panganib na di mo mapigilan
magpakatatag, tiyaking malinaw ang isipan

sa welga, makinarya'y huwag hayaang ilabas
obrero'y pagkaisahin laban sa mararahas
pakatandaan, anumang problema'y malulutas
ituring mong gubat mo ang gubat na nilalandas

- gregoriovbituinjr.

* Litratong kuha ng makatang gala habang naglalakbay sa isang lalawigan.

Linggo, Pebrero 14, 2021

Kwento ng paslit

Kwento ng paslit

anong kukulit
ng batang paslit
naggupit-gupit
nagpagkit-pagkit

kanya pang hirit
wala pang damit
na magagamit
sa piging, bakit?

buhay ay gipit
at nasa bingit
ng laksang sakit
na di masambit

lupa'y inilit
mundo'y pasakit
kanyang sinapit
ay anong lupit

sariling bait
niya'y nawaglit
kita ang lawit
litaw ang puwit

kanyang nabanggit
pupuntang langit
ang nasasambit
pasabit-sabit

- gregoriovbituinjr.

* Litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Itanim natin ang binhi

Itanim natin ang binhi

tara, tayo'y magtanim-tanim
nang balang araw, may anihin
at tiyaking may gugulayin
pag namunga, may makakain

magtanim sa paso ng gulay
magtanim sa bukid ng palay
itanim sa diwa ang pakay
pati na pangarap na lantay

itanim natin ang rebolusyon
sa mga bagong henerasyon
patungo sa dakilang misyon
ng pagbabagong nilalayon

ipinta natin ang larawan
nitong lipunang inaasam
ipinta bawat agam-agam
at hanapan ng kalutasan

bungkalin ang lupang mataba
nitong magsasakang dakila
tutulungan ng manggagawa
huwag lang ariin ang lupa

pagkat pribadong pag-aari
ang sa hirap at dusa'y sanhi
itatanim natin ay binhi
ng pagkakaisa ng uri

- gregoriovbituinjr.

* Litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Ang karatula ng pag-ibig

Ang karatula ng pag-ibig

nagpa-selfie sa karatula
"All you need is love" ang nabasa
animo'y payo't paalala
sa dalawang naroong sinta

aba, aba, aba, kaysarap
animo'y nasa alapaap
upang tuparin ang pangarap
upang bawat isa'y lumingap

kailangan ay pagmamahal
sa puso sasandig, sasandal
nawa pagsasama'y magtagal
na pag-ibig ang tinatanghal

all you need is love, anong tamis
pagkat puso ang binibigkis

- gregoriovbituinjr.

Ulap na hugis-puso

Ulap na hugis-puso

civil wedding sa Tanay
umuwi ng Kaylaway
nang sa langit lumitaw
ang pusong anong linaw

ito'y pagpupugay ba
sa amin ng tadhana
di ba kataka-taka
nagsapuso'y ulap pa

ang pangyayaring iyon
nga ba'y pagkakataon
ulap ay nagkatipon
upang bumati noon

pagsinta'y patagalin
hagkan siya't siilin
ng halik at mahalin
sumpaan ay tungkulin

sa anumang labanan
ay wala ngang iwanan
ito'y isang sumpaan
na hanggang kamatayan

ulap na hugis-puso
salamat sa pagsuyo
magkasundo ang payo
pag-ibig ang pangako

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Pebrero 13, 2021

Mababasa sa plakard ang tindig nila't damdamin

Mababasa sa plakard ang tindig nila't damdamin

nagso-social distancing din ng tag-iisang metro
ang mga nagraraling talagang disiplinado
nananawagang "Kalusugan, Pagkain, Trabaho!
Hindi Panunupil, Pandarambong, Pang-aabuso!"

tulad ng hawak na plakard ng isang maralita
makatarungang panawagan, layon at adhika
kahit may pandemya, mayroon silang ginagawa
sa ngalan ng hustisya para sa bayan at madla

kumukulo ang dugo bagamat tahimik sila
seryoso sa pakikibaka para sa hustisya
makahulugang mensahe kapag iyong nabasa
ang tangan nilang plakard na laban sa inhustisya

maraming salamat sa kanilang mga pagkilos
pagkat bawat hakbang nila sa puso'y tumatagos

- gregoriovbituinjr.

* Kuha ng makatang gala sa pagkilos sa UP Diliman noong Enero 29, 2021.

Dalawang Araw ng mga Puso

DALAWANG ARAW NG MGA PUSO

saliksik ko'y may dalawang Araw ng mga Puso
isa'y amor, hinggil sa pag-ibig, pamimintuho
isa'y corazon, na pisikal na lagay ng puso
dalawang aalagaan nang may buong pagsuyo

ang isa'y tuwing ikalabing-apat ng Pebrero
mula sa dalawang kapwa ngalan ay Valentino
na pinabitay daw noon ni Emperador Claudio
araw nila'y deklara ng Simbahang Katoliko

pagkamartir nila'y inaalala hanggang ngayon
naging araw ng pag-ibig ang kamatayang iyon
dalaga't binata'y nagsusuyuan sa maghapon
mag-asawa'y nagsisikap nang sa hirap umahon 

isa pa'y ikadalawampu't siyam ng Setyembre
kalusugan ng puso'y inaasikaso dine
may bara ba ang puso, tigilan na ang magkarne
iwasan ang taba, aligi, sa puso'y atake

araw na ideya ni Antoni Bayés de Luna
cardio-vascular disease ang madalas manalasa
itaguyod ang kalusugan ng puso sa masa 
lalo na't kayraming maysakit dulot ng pandemya

dalawang Araw ng mga Puso'y alalahanin
VALENTINE'S DAY, sinisinta'y tapat nating ibigin
WORLD HEART DAY, pangangalaga ng puso'y intindihin
dalawang petsa iyang dapat nating gunitain

- gregoriovbituinjr.

Pag-ibig

Pag-ibig

tunay na pagsinta'y aali-aligid sa hardin
ikaw ang rosas na matinik man ay iibigin
ako'y bubuyog na samyo mo'y aamuy-amuyin
na sa aking bisig ay hahagkan ka't kukulungin

noon, susulyap-sulyap lang ako sa iyong ganda
sapagkat tunay kang diwatang kahali-halina
akala ko noon ako lang ay namalikmata
subalit ngayon sa puso ko'y kasa-kasama ka

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Pebrero 12, 2021

KaWaWà

KaWaWà

aba'y mahirap ding maging kasaping maralità
sa Kapisanan ng mga Walang Walà (KaWaWà)
kalunos-lunos na ang kalagayan naming dukhà
patuloy pang sinusuong ang dumatal na sigwà

sabi nila, kung may tanong, itanong daw sa matsing
subalit huwag kang magtatanong sa mga praning
baka mahulog ka sa balon, di ka na magising
ngunit "tuso man ang matsing, napaglalalangan din"

dahil sa virus, kayraming nawalan ng trabaho
nagbigay ng pagkakataon sa kapitalismo
upang mapagsamantalahan uli ang obrero
oportunidad sa kapitalistang abusado

kung sa grupong KaWaWà ay mananatili na lang
ang mga hayok sa dugo ng dukha'y manlalamang
sigaw namin ay hustisya sa biktima ng tokhang
na walang proseso't mga inosente'y napaslang

- gregoriovbituinjr.

Tanagà sa pighati

Tanagà sa pighati

1
bakas pa ang pighati
ng nawalan ng puri
na tinatangka lagi
ng isang tusong pari
2
naulinigan mo ba
sa kanilang pagbaka
yaong sigaw ng masa:
nasaan ang hustisya!
3
kumikilos ang hari
sa ngalan ng salapi
pribadong pag-aari
ang rason ng pighati
4
danas ay balagoong
ng isa kaya buryong
tadtad na ng kurikong
may pigsa pa sa ilong
5
isdang tuyot na tuyot
ang nais niyang hawot
tila ba nilulumot
ang pisngi ng kurakot
6
nariyan si masungit
na ang ugali'y pangit;
mutyang kaakit-akit
ay sobra namang bait
7
malupit ang burgesya
tingin sa dukha'y barya
turing pa sa kanila'y
mga mutang sampera

- gregoriovbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, pahina 20.