Martes, Hunyo 7, 2022

Tulos

TULOS

magtutulos ako ng kandila
para sa mga biktimang sadya
ng martial law, sila'y ginunita
sa Bantayog, bayani ng madla

nasaan na nga ba ang hustisya
para sa kanilang nakibaka
para sa lipunang nais nila
lipunang malaya, makamasa

asam ay lipunang makatao
patas yaong batas at gobyerno
karapatan ay nirerespeto
panlipunang hustisya'y totoo

ang kandilang aking itutulos
ay tandang hustisya'y niyayapos
malayang bayan, walang hikahos
wala ring api't binubusabos

- gregoriovbituinjr.
06.07.2022

Lunes, Hunyo 6, 2022

Pagkamulat

PAGKAMULAT
tula ni Karl Marx
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
hinango sa Early Works of Karl Marx: Book of Verse (tula bago mag-1938) sa marxists.org

I
Pag nasira’y mata mong maningning
Na namangha at nanginginig,
Tila naligaw na musikang bagting
Na nagninilay, na nakaidlip,
Patungo sa lira,
Hanggang sa tabing
Ng pinakabanal na gabi,
Pagkatapos mula sa itaas ay kumikinang
Ang mga walang kamatayang bituin
Na sa loob ay nagmamahal.

II
Nanginginig, lumubog ka
Nang may pag-angat ng dibdib,
Nakikita mo ang walang katapusang
Mga daigdig na walang hanggan
Sa ibabaw mo, sa ilalim mo,
Hindi maabot, walang katapusan,
Lumulutang sa treng nagsasayaw
Nang hindi mapakaling kawalang-hanggan;
Isang atomo, nahulog ka
Doon sa Santinakpan.

III
Ang iyong pagkamulat
Ay walang katapusang pagsikat,
Ang iyong pagsikat
Ay walang katapusang pagbagsak.

IV
Pag ang nagsasayawang apoy
Ng iyong diwa’y sumalakay
Sa sarili nitong kalaliman,
Pabalik sa dibdib nito,
May lilitaw na walang hangganan,
Pinasigla ng mga espiritu,
Na dala ng matamis na pamamaga
Ng mahihiwagang himig,
Ang lihim ng kaluluwang
Bumangon muia sa bangin
Ng kasamaan ng kaluluwa.

V
Ang iyo namang paglubog
Ay walang katapusang pagsikat,
Ang iyong walang katapusang pagbangon
Ay may nanginginig na labi-
Na pinapula ng Aether,
Nagniningas, walang hanggang
Hinahagkan ng Punong Bathala

* isinalin: 6 Hunyo, 2022

The Awakening
poem by Karl Marx

I
When your beaming eye breaks
Enraptured and trembling,
Like straying string music
That brooded, that slumbered,
Bound to the lyre,
Up through the veil
Of holiest night,
Then from above glitter
Eternal stars
Lovingly inwards.

II
Trembling, you sink
With heaving breast,
You see unending
Eternal worlds
Above you, below you,
Unattainable, endless,
Floating in dance-trains
Of restless eternity;
An atom, you fall
Through the Universe.

III
Your awakening
Is an endless rising,
Your rising
An endless falling.

IV
When the rippling flame
Of your soul strikes
In its own depths,
Back into the breast,
There emerges unbounded,
Uplifted by spirits,
Borne by sweet-swelling
Magical tones,
The secret of soul
Rising out of the soul's
Daemonic abyss.

V
Your sinking down
Is an endless rising,
Your endless rising
Is with trembling lips-
The Aether-reddened,
Flaming, eternal
Lovekiss of the Godhead.

Ang pokpok

ANG POKPOK

mababa rin kaya ang lipad ng nasabing Pokpok
iyon ang tawag sa ibong animo'y kumakatok
ngunit huni pala iyong tila ba nanghihimok
na sa kanyang lungga tumuloy sinumang nalugmok

upang bigyan niya ng tunay na kaligayahan
upang nararanasang lumbay ay makalimutan
upang madama ang luwalhati sa kalangitan
upang ipinagbabawal daw ay iyong matikman

maagang bahagi pa lang ng buhay ko'y naakit
sa mga pokpok na pag iyong nakita'y kayrikit
tila baga ibong ito iwing puso'y binitbit
upang sa saya'y dinggin ang maingay niyang awit

O, pokpok, gaano ba kababa ang iyong lipad
upang mga nangalulungkot ikaw ay mahangad
upang sa alay mong pagsinta sila'y magbumabad
ang tunay mo bang layunin ay iyong inilantad

- gregoriovbituinjr.
06.06.2022

* litrato mula sa artikulong "Meet the Pokpok: A Noisy and Colorful Bird of the Philippines" na nalathala sa esquiremag.ph

Linggo, Hunyo 5, 2022

Ang leyon sa hawlang bakal

ANG LEYON SA HAWLANG BAKAL
ni Nâzım Hikmet, kinatha noong 1928
malayang salin mula sa Ingles
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pagmasdan mo ang leyon sa hawlang bakal,

ang kanyang mga mata't tingni ng kaylalim:

              tila dalawang hubad na bakal na balaraw

              kumikinang sila sa galit.

Ngunit hindi siya nawawalan ng dangal

              bagama't ang kanyang galit

                     ay paroo’t parito

                              parito’t paroon.

Hindi ka makahanap ng lugar para sa tubong

na nakapaikot sa makapal at mabalahibong kiling.

Bagaman ang mga pilat ng pagpalo

        ay nakabakat pa rin sa dilawan niyang likod

ang kanyang mahahabang binti’y

           nababanat at ang dulo

        sa hugis ng dalawang tansong kuko.

Isa-isang nagtaasan ang mga balahibo sa kanyang kiling

                 na nakapalibot sa palalo niyang ulo.

Ang kanyang poot

        ay paroo’t parito

                 parito’t paroon…

Ang anino ng kapatid ko sa dingding ng piitan

       ay gumagalaw

              nang pataas at pababa

                        nang pataas at pababa.

06.05.2022

Talasalitaan:
tubong - collar, tali sa leeg ng hayop, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1281
killing - mane, salin mula sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. James English, pahina 592

* tula mula sa https://www.marxists.org/subject/art/literature/nazim/lion.html

Lion in an Iron Cage
by Nâzım Hikmet Ran

Look at the lion in the iron cage,

look deep into his eyes:

             like two naked steel daggers

             they sparkle with anger.

But he never loses his dignity

             although his anger

                    comes and goes

                             goes and comes.

You couldn't find a place for a collar

round his thick, furry mane.

Although the scars of a whip

       still burn on his yellow back

his long legs

          stretch and end

       in the shape of two copper claws.

The hairs on his mane rise one by one

                around his proud head.

His hatred

       comes and goes

                goes and comes ...

The shadow of my brother on the wall of the dungeon

      moves

             up and down

                       up and down.

Sa Daigdigang Araw ng Kapaligiran

SA DAIGDIGANG ARAW NG KAPALIGIRAN

kayraming gagawin, masdan mo ang kapaligiran
pakinggan ang awitin ng Asin sa kalikasan
polusyon, upos, plastik, basura, klima rin naman
sa mga suliraning ito'y anong kalutasan

kayrumi ng Ilog Pasig, ng karagatan natin
nakakalbo ang kagubatan, halina't magtanim
kayraming isyung dapat isipin anong gagawin
tulad sa Marcopper na nawasak yaong lupain

Ondoy, Yolanda, climate change, matitinding daluyong
pang-unawa't pagbibigkis nga'y dapat maisulong
maraming magagawa, lalo't magtutulong-tulong
lalo't bukás ang isipan sa isyung patung-patong

ngayong World Environment Day, ikalima ng Hunyo
tinakdang petsa para sa kalikasan at tao
ang nagbabagong klima'y nararamdamang totoo
isyu rin ang plantang coal at pagmimina sa mundo

makiisa na sa pagkilos laban sa plantang coal
isang sanhi kaya klima'y nagkakabuhol-buhol
sa pagtatayo ng dambuhalang dam na'y tumutol
buhay at kultura ng katutubo'y ipagtanggol

di na dapat paabutin pa sa one point five degree
ang pag-iinit nitong mundo, huwag isantabi
ang isyung ito't talagang di na mapapakali
maraming lulubog na isla pag ito'y nangyari

sa laot, kinakain na ng isda'y microplastic
ah, di na mabilang ang upos at basurang plastik
naggugupit na ng plastik upang gawing ekobrik
pagbabakasakali rin ang proyektong yosibrik

ngayong World Environment Day, pag-isipan nang lubos
ang mga isyung nabanggit, tayo na'y magsikilos
para sa kinabukasan, bayan at masang kapos
upang sa mga isyung ito, tao'y makaraos

- tula't litrato ni gregoriovbituinjr.
06.05.2022

Biyernes, Hunyo 3, 2022

Soneto 71

SONETO 71
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg)

Huwag akong ipagluksa / kapag ako na'y pumanaw
Kaysa marinig pa ninyo'y / kalampag ng kampanilya
At sa mundo'y magbabalang / tuluyan akong nawalay
Sa daigdig na ngang ito't / mga uod na'y kasama.
Na pag taludtod na ito'y / nabasa mo, 'wag limutin
Yaong kamay na sumulat / nito't kita'y iniibig,
Ako sa'yong tamis-diwa / kung sakali'y lilimutin 
Kung isipin mo rin ako't / pag-aalala'y sumalig.
O, kung (aking sinasabing) / iyong tingnan yaring tula,
Kung (sakaling) ako'y agad / sa putik na'y naibaon
'Wag labisan ang mabanggit / yaring ngalang abang sadya
Iluhog mo'y sintang tapat / buhay ma'y maagnas doon.
Baka tusong mundo'y masdan / ang hikbi mo't dalamhati
Kutyain kang kasama ko / kapag ako na'y nasawi.

06.03.2022

Tugmaan batay sa aralin sa katutubong pagtula:
abab - katinig na mahina a; patinig na walang impit a;
cdcd - katinig na mahina i; katinig na malakas i;
efef - patinig na may impit a; katinig na mahina o;
gg - patinig na may impit i.

SONNET 71
from the book The Sonnets, by William Shakespeare, Collins Classics

No longer mourn for me when I am dead
Than you shall hear the surly sullen bell
Give warning to the world that I am fled
From this vile world with vilest worms to dwell; 
Nay, if you read this line, remember not
The hand that writ it; for I love you so, 
That I in your sweet thoughts would be forgot, 
If thinking on me then should make you woe.
O, if (I say) you look upon this verse, 
When I (perhaps) compounded am with clay,
Do not so much as my poor name rehearse,
But let your love even with my life decay,
Lest the wise world should look into your moan, 
And mock you with me after I am gone.

Pagmumuni

PAGMUMUNI

I

patumpik-tumpik pa rin sa gaod
habang nananakit ang gulugod
nasa balsa'y nagpapatianod
aba'y di ito nakalulugod

kundi'y sabay-sabay malulunod
kung basta na lang maninikluhod
sa naghahari-hariang "lingkod"
nasa tabing-tabi'y di umisod

II

babasahin ko ang pangungusap
ng makatang lumaki sa hirap
baka makuha sa isang iglap
ang taludtod niyang hinahanap

baka maluha sa isang irap
ng dalagang aking pinangarap
buhay ko man ay aandap-andap
ngunit ayokong kita'y maghirap

III

nais kong mag-araro sa bukid
kasama yaong mga kapatid
kahit paano'y may nababatid
nang gutom ay tuluyang mapatid

anong sarap ng amihang hatid
ng hanging sa akin makaumid
ay makakalikha rin ng lubid
pag pinagsama'y laksang sinulid

IV

sa putikan na nga nagtampisaw
yaong kaysipag niyang kalabaw
na nag-araro ng buong araw
habang uhay ay nagsisisayaw

buti't binti na'y naigagalaw
kanina, pulikat ay humataw
mabuti nang salawal ay lawlaw
huwag lamang binabalisawsaw

- gregoriovbituinjr.
06.03.2022

Alimpungat

ALIMPUNGAT

di ako makaparada roon
habang pinuputakti ng lamok
yaring sugat kong namuo noon
nang magbalantukan na'y umumbok

guniguni'y pawang pangitain
na pakiramdam ko'y di maatim
habang kayrami nila sa hardin
doon nagsisiksikan sa lilim

bigla akong naaalimpungat
sa mga nag-indakang liwanag
tila walang tulog, ako'y puyat
subalit nanatiling matatag

anila, aanhin pa ang damo
naalala habang nakatungo
kung namatay na raw ang kabayo
aral bang ito'y saan nahango

maliligtasan din ang pandemya
at anumang kaharaping sigwa
bantayan ang nagbabagong klima
sa panahong ating iniinda

- gregoriovbituinjr.
06.03.2022

Huwebes, Hunyo 2, 2022

Streak 100

STREAK 100

aba'y nakaabot na ako
sa Streak One Hundred, totoo
aba'y tingnan mo ang litrato
iyan lang ang katibayan ko

sudoku 'y nilaro sa selpon
aba'y tiyagaan lang iyon
sa isip ko'y malaking hamon
lalo't naumay sa maghapon

naehersisyo na ang utak
mararamdaman mo pa'y galak
diwa'y para lang umiindak
dito'y di ka pa napahamak

di lang unblock puzzle, sudoku
ang talaga kong paborito
laro kung nasaan man ako
basta't tapos na ang trabaho

larong ehersisyo sa diwa
sa panahong pahingang sadya
Streak One Hundred na'y nahita
ito'y malampasan ko kaya?

- gregoriovbituinjr.
06.02.2022

Kuro

KURO

mapait maging pangulo ng kasinungalingan
nasa katuturan ba iyong wala sa katwiran
iyang pwesto mo ba'y matamis mong panghahawakan
o sa sarili'y nagsisinungaling ka na naman

kung di lang gumamit ng pera'y tiyak matatalo
kung di lang naglabas ng salapi'y bugbog-sarado
kasaysayan ng diktadura'y pilit pinabango
may aral sa atin ang mga nangyayaring ito

di sapat ang maging mabuting kandidato ka lang
na santa o banal na bayan ay paglilingkuran
di sapat ang mabuting intensyon para sa bayan
dahil ang halalan ay naging pera-pera na lang

subalit bilang tao, masisikmura mo kaya
kasinungalinga'y batayan ng pamamahala
pagbabago man ng kasaysayan ay pandaraya
pamilyang kilalang mandarambong ay di nawala

mapait pa sa apdo ang sinapit ng bayan ko
pati kasaysayan ay pilit binabagong todo
di ko kikilalanin ang ganyang tusong pangulo
na pinaglaruan ang madla para lang manalo

- gregoriovbituinjr.
06.02.2022

Soneto 24

SONETO 24
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg)

Mata ko'y umakto bilang pintor / at talaga namang nakatutok
Sa talahanayan niring puso't / nagkahugis ang iyong kariktan
Habang katawan ko yaong kwadro / kung saan iyon itinatampok
At sadyang nasa sining ng pintor / ang niloob niya't kaisipan.
Sa pamamagitan lang ng pintor, / kasanayan niya'y makikita
Upang yaong larawan mong tunay / ay mahanap kung saan naukit;
Na sa pabrika niyaring dibdib / ay naroroong nakabitin pa
Dahil sa mata mo, durungawan / niya'y may kinang na gumuguhit.
Ngayon tingni ng mata sa mata, / ano bang nangyaring buti roon:
Hugis mo'y pininta ng mata ko, / at gayon ka rin naman sa akin
Bilang durungawan sa dibdib ko, / kung saan Haring Araw na iyon
Ay nalulugod na sumisilip / upang ikaw'y pakatitigan din;
Gayupaman, sining nila'y nais / purihin ng gayong matang tuso
Iginuguhit anong makita, / puso man nila'y di batid ito.

06.02.2022

Tugmaan batay sa aralin sa katutubong pagtula:
abab - katinig na mahina o; katinig na mahina a;
cdcd - patinig na walang impit a; katinig na malakas i;
efef - patinig na walang impit i; 
gg - patinig na walang impit o.

SONNET 24
from the book The Sonnets, by William Shakespeares, Collins Classics

Mine eye hath play'd the painter and hath steel'd,
Thy beauty's form in table of my heart;
My body is the frame wherein 'tis held,
And perspective it is best painter's art.
For through the painter must you see his skill
To find where your true image pictur'd lies,
Which in my bosom's shop is hanging still,
That hath his windows glazed with thine eyes.
Now see what good turns eyes for eyes have done:
Mine eyes have drawn thy shape, and thine for me
Are windows to my breast, where-through the sun
Delights to peep, to gaze therein on thee;
Yet eyes this cunning want to grace their art,
They draw but what they see, know not the heart.

Miyerkules, Hunyo 1, 2022

Pagsinta

PAGSINTA

tulad ka ng asukal
sa iyong pagmamahal
ang kapara'y arnibal
habang nasa arabal

- gregoriovbituinjr.
06.01.2022

Talasalitaan:
arabal - suburb, pook na kanugnog ng lungsod
arnibal - nilutong asukal hanggang lumapot
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 71, 77

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

pamasahe'y muli raw tataas
paalala sa dyip na nasakyan
sana lang naman iyan ay patas
nang nasa bulsa'y magkasya naman

pinaghahanda na nila tayo
habang nasa dyip ay nakatungo
isa, dalawa, o tatlong piso
ang dagdag? buhay ba'y mahahango?

kaygandang may paalala sa dyip
nang maihanda ang gagastusin
ngayon na'y dapat magtipid-tipid
subalit basta huwag gutumin

sina Bunso, ang buong pamilya
piso mang taas, malaking sadyâ
kung araw-araw mong ikukwenta
baka pera mo'y magparang bulâ

sa putik na ba pinalulusong?
gayunman, sa aking diwa't loob
salamat sa paalalang iyon
nang paghandaan ang di malunok

- gregoriovbituinjr.
06.01.2022

* litratong kuha ng makatang gala minsang sakay ng dyip

Streak 69

STREAK 69

tiyaga'y sadyang kailangan din
lalo't ang laro''y seseryosohin
sudoku sa celfone nang laruin
sa Streak Sixtynine nakarating

Sixtynine,simbolo daw ng libog
o sex, sabi niyong magsing-irog
iba nga raw kasi ang anyubog 
baka di lang ako makatulog

madaling araw na'y laro pa rin
tila walang kapaguran man din
ang totoo, ako nga'y nagising
mula sa mahabang pagkahimbing

habang kaniig ang minumutya
nang Sixtynine ay abuting sadya
ibig sabihin ay pulos tama
ito man lang ay ating mapala

di makatulog kaya nagmulat
habang inunan ko pala'y aklat
hanggang mag-sudoku akong kagyat
Streak Sixtynine, wala pang lamat

- gregoriovbituinjr.
06.01.2022