TULAMPATI SA IKASAMPUNG ANIBERSARYO NG CEED
taasnoong pagpupugay sa CEED
pagkat kalikasa'y di nabulid
sa pagkasira, inyong hinatid
ay pakikibakang aming batid
pinagtatanggol ang kalikasan
sinuri rin ng CEED ang lipunan
upang matiyak ang kaligtasan
ng katutubo at mamamayan
negosyo'y mapanira talaga
dulot ay maruming enerhiya
kalikasa'y winawaksi nila
kaya tayo'y dapat magkaisa
mula po sa maralitang hanay
muli, taospusong pagpupugay
sa CEED sa pagbaka n'yo't tagumpay
sigaw namin! mabuhay! mabuhay!
- gregoriovbituinjr.
07.31.2026
* tulampati ng secgen ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na binigkas sa pagdiriwang ng CEED
* CEED - Center for Energy, Ecology and Development
alinsuwag - [Sinaunang Tagalog]: laban sa agos; tungo sa kataliwas na direksyon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 36
Biyernes, Hulyo 31, 2026
Linggo, Hulyo 26, 2026
DALIT laban sa pesticide gas
DALIT laban sa pesticide gas
Gaano kasiraulo
ang mga gumawâ nito?
Yaong pabor sa negosyo
pinesticide gas ang tao!
Sa World War I ay mustard gas,
sa Vietnam war, CS gas,
sa DENR sa Pinas
gamit nama'y pesticide gas!
Makatao pa ba silang
pesticide ang pinambira
sa naroong raliyista?
Combatant na ba ang masa?
Natuto sila sa Kanô
upang hustisya'y masugpô!
- gregoriovbituinjr.
07.26.2026
* bidyo mula sa The Wheel sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/1358699189684782
Huwebes, Hunyo 11, 2026
Sa unang death anniversary ni misis
SA UNANG DEATH ANNIVERSARY NI MISIS
depresyon ang dumapo
di batid ang gagawin
tila nais sumuko
ng diwa ko't damdamin
biglâ ang pagkawalâ
ng diwatà kong sinta
laging natutulalâ
sigla ko'y nawalâ na
hanggang ngayon ay yanig
ang buong pagkatao
dama ko'y pagkalupig
at nawasak na mundo
bagamat pinipilit
pa ring maging matatag
palad man ay kaylupit
at laging nangangarag
mga tula't kwento man
ay pawang nagsitigil
sa dulo ng lansangan
ako rin ay hihimpil
sa baha't alimuom
sa mundo ng siphayò
kailan maghihilom
yaring duguang pusò
- gregoriovbituinjr.
06.11.2026
Martes, Abril 14, 2026
Nang hinuli ang mga hubad
NANG HINULI ANG MGA HUBAD
Kay Balagtas:
Ang laki sa layaw, karaniwa'y hubad
sa bait at muni, sa hatol ay salat.
Ngayon:
Dahil sa tinding init, may mga nakahubad
sila'y pinaghuhuli, kriminal na ba agad?
Dagdag pa:
Nililihis ang isyu ng mga pandarambong
nangurakot sa bayan ay di pa nakukulong
- gregoriovbituinjr.
04.14.2026
(Buwan ng Panitikan)
Lunes, Abril 13, 2026
2 magkasunod na araw ng dalamhati
2 MAGKASUNOD NA ARAW NG DALAMHATI
dalawang magkasunod na araw ng dalamhati
Abril Onse, ikasampung death monthsary ni misis
Abril Dose, pangalwang death anniversary ni Dad
dalawa sa aking pinakamamahal sa buhay
pagluwas ko galing probinsya, trabaho na naman
upang tapusin ang mga agarang kailangan
sadyang ganyan ang buhay, may panahon ng pagluhà,
ng dalamhati, bukas nama'y pagbaka ng dukhâ
kailangang tapusin ang mga isinasalin
bagamat di sapat upang ang sarili'y buhayin
munti man ang kabayaran, sa bulsa'y may papasok din
pagkat araw-araw, dapat may pambiling pagkain
natapos man ang dalawang araw ng paggunitâ
dini sa pusò, sila na'y nakaukit na sadyâ
- gregoriovbituinjr.
04.13.2026
Tumbong
TUMBONG
nais nang lumabas / ng tae sa puwet
iri na ng iri / nang paulit-ulit
sana'y dudukutin / ko na iyong pilit
buti't nalunasan, / nawalâ ang sakit
ininom ko agad / ang nakahandang dyus
galing ref, malamig, / guminhawang lubos
una, isang pitsel / nitong malunggay dyus
sunod ay bawang dyus / at ang turmeric dyus
at maya-maya lang, / agad naglabasan
yaong nasa puwet, / anong kainaman
guminhawa agad / itong pakiramdam
gayong sa ta-kubets, / isang oras naman
ang mga herbal dyus / ay kaylaking tulong
at di na masakit / itong aking tumbong
salamat, salamat / at ito'y humantong
sa damang ginhawa, / búhay ko'y sumulong
- gregoriovbituinjr.
04.13.2026
Linggo, Abril 12, 2026
Gender equality
GENDER EQUALITY
galing ka raw sa tadyang ko, ngunit
iba yaong nais kong igiit
pantay tayo, anang kwentong bayan
nang sabay lumabas sa kawayan
karapatan nati'y magkapantay
pagkat minulan ay magkasabay
noon pa'y may gender equality
pantay ang babae at lalaki
mulâ sa katutubong alamat
ngalan ay Maganda at Malakas
tulad ko, katutubò rin sila
pagkapantay ay kinikilala
salamat sa alamat na ito
na pinanghawakan kong totoo
para sa pantay na karapatan
patungo sa patas na lipunan
- gregoriovbituinjr.
04.12.2026
* litrato nina Maganda at Malakas sa UP Vargas Museum sa Diliman, QC
Sa ika-2ng taon ng kamatayan ni Dad
SA IKA-2NG TAON NG KAMATAYAN NI DAD
sa ikalawang taon / ng kamatayan ni Dad
amin siyang dinalaw / doon sa sementeryo
nagnilay at nagdasal, / nami-miss ka namin, Dad
kasama'y inang mahal, / kaming mga anak n'yo
at ginunita namin / ang inyong kabutihan
upang kami'y lumaki / at maging matagumpay
sa karera, pamilya't / niyakap na larangan
kaybuti n'yo po't kami'y / di hinayaang tunay
- gregoriovbituinjr.
04.12.2026
Sabado, Abril 11, 2026
Pagpupugay, Letran Lady Knights!
PAGPUPUGAY, LETRAN LADY KNIGHTS!
ako'y taospusong nagpupugay
sa Letran Lady Knights sa tagumpay
ninyo sa larangan ng volleyball
sa NCAA, talagang idol
malaking karangalan sa Letran
ang ipinakitang katatagan
kayâ ang pangsiyam na korona
ay pinaghirapan n'yong nakuha
Arriba Letran! ang ating sigaw
sa arena umaalingawngaw
mga Lady Knights, mabuhay kayo!
kami sa inyo'y sumasaludo!
paghandaan ang sunod na taon
back-to-back na titulo ang misyon
- gregoriovbituinjr.
04.11.2026
* ulat mulâ sa pahayagang Bulgar, Abril 11, 2026, pahina 12
* NCAA - National Collegiate Athletic Association
Sa totoo lang
SA TOTOO LANG
ako'y makatang taring na may tungkuling mabuti
para sa bayan, hindi sa dinastiya't salbahe
hindi ako parang bubuyog na kinukumbinsi
ang langaw na mas masarap ang pulot kaysa tae
bawat usad ng pluma'y para sa katotohanan
ng mga nakikita't nangyayari sa lipunan
sinumang salbahe'y hindi ako mapipigilan
sa pagkathâ ng mga tulang may silbi sa bayan
ako'y manunulat para sa uring manggagawà
adhikain ay sistemang giginhawa ang dukhâ
stage 4 na kanser ng lipunan ay lumalalâ
iyan ang kanser stage 4 na di mawalâ-walâ
mga isyu ng bayan ay arálin ding talaga
bakit dukha'y laksâ habang iilan ay sagana
ang katotohanang ito'y sa ngalan ng hustisya
kayâ kasamang tunay ng mga nakikibaka
- gregoriovbituinjr.
04.11.2026
Sa ika-10 death monthsary ni misis
SA IKA-10 DEATH MONTHSARY NI MISIS
di ko maiwasang lumuhà
lagi pa ring natutulalâ
sampung buwan ka nang nawalâ
ang loob ko'y di pa rin handâ
O, diwatà kong nililiyag
akala ko, ako'y matatag
ngunit iwing búhay ay hungkag
aandap-andap, nangangarag
tuwina'y nasa panaginip
ang larawan mo sa pag-idlip
pagsintang walang kahulilip
ay lalaging kahalukipkip
matagal pa bago magsama
kitang dalawa, aking sinta
tinatapos ko pa'y nobela
sa masa, hustisya, pag-asa
- gregoriovbituinjr.
04.11.2026
Biyernes, Abril 10, 2026
Managot kayong mga kurakot
MANAGOT KAYONG MGA KURAKOT
O, kayong mga pulitiko
na aming mga ibinoto
nagkamali kami sa inyo
kung kayo'y kurakot sa pondo
ng bayan, bumabâ na kayo
sa inyong pwesto sa gobyerno
at talagang managot kayo
sa ginawâ n'yong krimeng ito
- gregoriovbituinjr.
04.10.2026
(15th Black Friday Protest ng 2026)
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:
Tuwing Biyernes
TUWING BIYERNES
sadyang di ko kinaliligtaan
tuwing Biyernes yaong usapan
ang ilunsad ang Black Friday Protest
saanman tayo tuwing Biyernes
na adhikain ay mapanagot
ang mga pulitikong kurakot
na sa kulungan sila'y magdusa
na ang nag-uudyok ay hustisya
hustisya'y lagi nating igiit
dahil krimen nila'y anong lupit
pondo ng bayan yaong dinambong
di lang milyong piso kundi Bilyon
giyera'y kailan matatapos?
itanong kay Trump, tanong kong kapos
giyera'y wakasan, di lang ceasefire
kapayapaan na ay ilugar
mga paalaalang totoo
tuwing Biyernes ay gawin ito
Black Friday Protest ay di titigil
masa'y makialam na't maningil
- gregoriovbituinjr.
04.10.2026
(15th Black Friday Protest ng 2026)
Kwentong bayan
KWENTONG BAYAN
kayraming kaysarap basahing kwentong bayan
tulad ng One Thousand and One Nights, kainaman
sa atin, Juan Tamad, Ibalon, Pilandok
kwentong katutubò, mulâ patag at bundok
ninais kong makapagsulat ng ganito
tulâ, pabulâ, dulâ, sanaysay, at kwento
batay sa mga katutubò, mandirigmâ,
kalinangan, kasaysayan ng ating bansâ
sinalaysay ng samutsaring salinlahi
mula sa panahong sinauna ng lipi
ang sinalaysay ng makatang umiibig
at ng mga mandirigmang di nagpalupig
ilan iyan sa aking mga nilalayon
misyong isinasabuhay noon at ngayon
kumathâ ng maraming akdâ yaring pakay
at kwentong bayan ay panatilihing buháy
- gregoriovbituinjr
04.10.2026
* larawan mulâ sa larong Word Shatter sa selpon
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)














