Lunes, Marso 11, 2019

Salin ng Pahayag ng PMCJ hinggil sa Rice Tariffication

PAHAYAG NG PMCJ HINGGIL SA RICE TARIFFICATION ACT
Malayang salin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nananawagan ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa pamahalaan na ipatupad ang higit pang mga pananggalang at proteksyon para sa mga magsasaka ng bigas at sa industriya ng palay ngayong nilagdaan na bilang batas ang Rice Tariffication Act (Batas sa Pagbubuwis o Taripa sa Bigas).

Noong Pebrero 14, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas ang Batas Republika Blg. 11203, na kilala rin bilang Rice Tariffication Act, na magtataas ng mga pagbabawal sa kwantitatibong pag-angkat ng bigas at pahintulutan ang pribadong sektor na mag-angkat ng 'walang limitasyong' bigas hangga't binabayaran nito ang taripang itinakda ng batas. Sinabi ni Duterte at ng kanyang mga tagapayo sa ekonomya na tutugon ito sa kagyat na pangangailangan upang mapagbuti ang pagkakaroon ng bigas at abotkayang halaga nito sa bansa.

Ang liberalisasyon ng palay ay malinaw na pag-abandona sa mga lokal na magsasaka at industriya ng bigas

Mula nang mag-liberalisa ang agrikultura ng Pilipinas, marami sa mga produktong agrikultural ang nabigong makipagpaligsahan sa mas murang presyo ng bigas sa mga katapat ng mga bansa sa Timog-silangang Asya. Ang presyo ng produktong pang-agrikultura ay palaging nagtatakda sa posibilidad na mabuhay sa merkado tulad ng ipinakita ng mas murang mga sibuyas at mga inangkat na bawang kumpara sa mahal na presyo ng lokal na produkto. Sa kalaunan, lumiit ang bilang ng mga magsasakang Pilipinong nagsasaka ng mga sibuyas at bawang at binago ang gamit ng lupang sakahang nakatuon sa paglikha ng mga produktong ito. Ito ang matinding aral na nakuha ng Pilipinas mula sa liberalisasyon ng agrikultura, at nangangambang mangyari ito muli sa bigas, na pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Sa pagbaha ng mas murang inangkat na bigas sa lokal na pamilihan, paano makikipagpaligsahan ang mga lokal na magsasaka sa mga banyaga? Napipilitang ibenta ng mas mura ng mga magsasaka ang kanilang ani sa gitna ng pagmahal ng lokal na gastos ng produksyon. Bagaman nagsasaad ang batas na ang mga makokolektangtaripa ay ilalaan sa mekanisasyon ng sakahan, pag-unlad ng binhi, tulong sa kredito, at mga serbisyo sa pagsasanay upang matulungang makasabay ang mga magsasaka, matatagalan pa bago makinabang ang bawat magsasaka mula dito. At ito ay kahit na nasa pagtinging ang batas ay matagumpay na ipatupad. Kailangan pa rin ng mga magsasaka na magtiis sa biglaang pagkawala ng kita na makukuha nila sa ganap na pagpapatupad ng Rice Tariffication Act, na bibitagin silang lalo sa siklo ng kahirapan.

Dahil sa kanilang pang-ekonomyang kahirapan, kasama na ang kakulangan ng pagpapatupad ng mga patakarang nagpoprotekta sa mga maliliit na magsasaka, hindi kumpletong pagpapatupad ng repormang agraryo, pagkasira ng mga daluyangtubig at kagubatan para sa irigasyon, at ngayon ay binubuksan ang industriya ng bigas sa iba pang mga negosyante, malamang na lumiit ang bilang ng mga magsasakang nagsasaka ng bigas,  pati na rin ang lupang agrikultural na nakatuon dito. Inaasahan na ang paglipat sa iba pang mga pagtutubuang kalakal, o sa mas masahol ay ang pagpapalit ng mga lupang sakahan sa hindi naman agrikultural na gamit.

Sa kabilang banda, walang garantiya na bababa at magpapatatag sa presyo ng bigas at magpapatatag sa kabila ng pag-agos ng mas murang angkat na bigas. Sa bagong batas, ang pribadong sektor ngayon ay may kapangyarihang kontrolin at idikta ang presyo ng merkado. Ang National Food Authority, na may datingmandatong ipirmi ang presyo, ay nakatalaga ngayon lamang sa pagpapanatili ng sapat na bigas pantulong na inilaan para sa mga kalamidad at pangkagipitan. Ito ay dobleng gulo para sa mga mahihirap na magsasaka na parehong mga tagalikha at mga mamimili ng bigas.

Hindi susi ang liberalisasyon ng bigas sa seguridad sa pagkain, ngunit sapat sa sariling konsumo

Isang banlag na kilos mula sa pamahalaan ang liberalisasyon ng bigas dahil nabigo itong makita ang kasalukuyang pandaigdigang krisis sa klima. Nagtutungo ang daigdig sa dramatikong kahihinatnan bunga ng pagbabago ng klima sa produksyon ng pagkain. At inaasahan itong lalong lalala sa loob ng 12 taon, ayon sa Espesyal na Ulat ng IPCC sa Global Warming ng 1.5 degree Celsius, kung walang kakaibang transisyong magagawa sa lahat ng aspeto ng lipunan. Sa taon 2030, magkakaroon ng matinding pagdausdos sa agrikultural na ani kabilang ang bigas, mais, at trigo. Ang pagbawas ng ani sa bigas ay aabot ng hanggang 10% para sa bawat pagtaas ng 1 degree Celsius sa temperatura, o mas mataas pa sa mga klima ng bulnerableng bansa  tulad ng sa Asya.

Ang Vietnam at Thailand, ang pinakamalaking tagaluwas ng bigas sa buong mundo at pangunahing pinagkukunan ng naangkat na bigas sa Pilipinas, ay hindi mailuwas ang parehong dami ng bigas gaya ng ginagawa nila ngayon dahil sa lumalalang epekto sa pagbabago ng klima sa kanilang sektor ng agrikultura. Dahil sa sitwasyong ito, nahaharap ang Pilipinas sa isa pang krisis sa bigas sa loob ng ilang taon kung ang industriya ng bigas ay mananatiling nakadepende sa pag-angkat.

Ang pangangalaga sa seguridad ng pagkain ay hindi nangangahulugan ng pagtustos ng suplay ng pagkain ng bansa sa anumang paraan, sa kasong ito, pag-angkat. Nangangahulugan ito na maprotektahan ang lokal na produksyon at baguhin ito sa isang angkop, nakakaakma at sapat na industriya na maaaring magsilbi sa lokal na pangangailangan sa pagkain. Kasabay nito, nangangahulugan itong paglalagay ng premium sa mga karapatan at kagalingan ng mga lokal na tagalika ng pagkain at pagtitiyak ng kanilang kakayahang suportahan ang lokal na pangangailangan sa pagkain. Ang isang bansang may sapat na suplay ng pagkain sa bansa ay nasa mas mahusay na posisyon upang harapin ang nagbabantang krisis ng pagkain dahil sa pagbabago ng klima kaysa sa isang bansang may sistemang nakaasa sa pag-angkat.

Sa paglagda sa Rice Tariffication Act bilang batas, nananawagan ang PMCJ sa pamahalaan na palawakin at paunlarin ang lokal na produksyon ng bigas sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga serbisyo sa agrikultura, regulasyon ng gastos ng produksyon at pag-akses sa  mababang interes na pautang at bigay ay naririyan para magamit ng maliliit na magsasaka. Ang proteksyon at pagpapalawak ng mga sakahan ng bigas at maliliit na magsasaka ang susi sa epekto ng klima sa bigas at produksyon ng pagkain. Mahalaga ang pangangalaga sa mga daluyang tubig at kagubatan para sa patubig at suplay ng tubig para sa panatiling produktibo ang agrikultura, pati na rin ang pagtalima sa puntirya nating mitigasyon. Bukod dito, hinihilin nito sapamahalaan na pigilin ang pagtaas ng liberalisasyon sa agrikultura at gawin ang mga reporma at patakaran upang mapahusay at mapabuti ang produksyon ng lokal na agrikulturang nakatuon sa pagkonsumo ng pagkain ng 100 milyong Pilipino. ###

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento